Advertisers

Advertisers

Cayetano inusisa kung paano sinusuri ng mga bangko ang malalaking gov’t withdrawal

0 3

Advertisers

Inusisa ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano ang pagkakaiba ng pagsusuri ng mga bangko kung kahina-hinala ang malalaking withdrawal ng mga pribadong customer at ng mga ahensya ng gobyerno sa impeachment trial nitong Miyerkules, July 29, 2026.

Kasunod ito ng pahayag ni dating LandBank Shaw Boulevard branch manager Violeta Constantino sa trial na “unusual” o ‘di pangkaraniwan ang apat na P125-milyong tseke na in-encash ng staff ni Vice President Sara Duterte.



Sa pagtatanong ni Cayetano, sinabi ni Constantino na hindi siya pamilyar sa mga detalye ng confidential funds at discretionary funds ng mga ahensya ng gobyerno.

Binigyang diin ng senator-judge na pagdating sa mga pribadong customer ay kaya ng mga tagapamahala ng mga bangko na suriin kung “unusual” ang transaksyon base sa profile ng customer sa ilalim ng “know your customer” na polisiya ng mga ito.



“Suddenly, magwi-withdraw ng P3 million. Minsan, nagtatanong, ‘di ba?…Ganoon din sa deposit,” pahayag ni Cayetano.

Pero sa mga transaksyon naman ng gobyerno, mapapansin lang aniya ng bangko ang “unusual” na halaga pero hindi masusuri kung kahina-hinala dahil sa limitadong kaalaman ng mga bangko patungkol sa discretionary funds na mayroon ang bawat ahensya ng gobyerno.



“‘Pag government, as long as you’re dealing with the people you identified with, basta’t everything is in order, magtataka lang kapag sobrang laki ng amount, but then you’ll release it,” aniya.

Matapos ang paliwanag, tinanong ni Cayetano si Constantino kung ilegal ba agad na maituturing ang transaksyon ng isang ahensya dahil sa “unusual” ang halaga kumpara sa mga regular na transaksyon.

“Just because it’s unusual, it doesn’t mean it’s illegal. Tama po ba?” Cayetano asked.

Tugon ni Constantino, “wala naman pong illegal” sa pag-encash ng mga tseke ng tanggapan ni Duterte.

Nilinaw din ni Cayetano na magkaiba ang “usual” at “unusual” sa “covered” at “suspicious” transactions, na may mga legal na implikasyon.

Sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act, “covered” ang isang cash o monetary transaction kapag lampas ito sa P500,000 sa loob ng isang banking day. “Suspicious transaction” naman ang transaksyong walang malinaw na ekonomikong dahilan, taliwas sa profile ng customer, o may kaugnayan sa ilegal na gawain.

“As we go along, let’s help the public understand what’s the difference between ‘covered,’ ‘suspicious,’ and ‘usual’ or ‘unusual,’ para lang walang conclusions that are made that are prejudicial to either the prosecution or the defense,” pahayag ni Cayetano.