Advertisers
Isang pambihirang pangyayari ang naitala sa Australia matapos manganak ang isang 34-anyos na babae ng identical quadruplets o apat na magkakaparehong sanggol. Ayon sa mga doktor, isa ito sa mga pinakabihirang kaso ng natural na pagbubuntis sa buong mundo.
Ipinanganak ni Jenitar Sau Na’amoana ang kanyang apat na anak sa pamamagitan ng cesarean section noong Hulyo 14 sa Royal Brisbane and Women’s Hospital sa Queensland.
Ayon sa ospital, natural na nabuo ang quadruplets nang walang fertility treatment at nagmula ang mga ito sa iisang fertilized egg na nahati sa apat. Higit pang ikinamangha ng mga espesyalista ang kaso dahil iisa lamang ang placentang pinagsaluhan ng apat na sanggol, isang kondisyong itinuturing na napakabihira.
Ayon kay Dr. Alexa Bendall, isang fetal medicine specialist at obstetrician na nangasiwa sa pagbubuntis ni Na’amoana, ito ang unang pagkakataon na nakaranas ang kanilang ospital ng ganitong uri ng pagbubuntis.
Tinatayang isa lamang sa bawat 15 milyong pagbubuntis ang nagreresulta sa identical quadruplets, kaya itinuturing itong isang napakabihirang medikal na pangyayari.
Pinangalanan ng mag-asawa ang kanilang mga anak na Emily, Harriet, Alexa, at Catherine.
Ipinangalan ang isa sa mga sanggol kay Dr. Alexa Bendall bilang pasasalamat sa kanyang naging pangangalaga sa buong pagbubuntis.
Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), 144 lamang ang naitalang quadruplet at iba pang mas mataas na multiple births sa Estados Unidos noong 2024, na nagpapakita kung gaano kabihira ang ganitong uri ng panganganak.(Lhean Mae V. Garcia – OJT)