Advertisers
NAGKAROON ng tensyon sa pagitan ng prosecution at defense sa ika-15 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos magkasagutan sina private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at defense counsel Atty. Kristine Ferrer kaugnay sa paggamit ng mga dokumento sa cross-examination sa isang testigo mula sa Commission on Audit (COA).
Ito ay habang isinasagawa ang cross-examination kay Commission on Audit Intelligence and Confidential Funds Audit Office (COA-ICFAO) state auditor Xylene del Campo.
Sa gitna ng cross-examination, hiniling ni Kapunan kay court presiding officer at Senator-judge Francis “Chiz” Escudero na paalalahanan si Ferrer na huwag pigilan ang testigo sa pagsagot sa kanyang mga tanong habang hindi pa nito natatapos ang kanyang sagot.
Sumagot naman si Ferrer at hiniling kay Escudero na sa halip ay utusan ang testigo na sumagot lamang ng “yes” o “no.” Ipinaalala rin niya kay Kapunan na mayroon siyang pagkakataong magtanong ng clarificatory questions sa redirect examination.
Tumugon si Kapunan na hindi lahat ng tanong ay maaaring sagutin nang binary o “yes or no.”
“I’m on cross, your honor,” diin ni Ferrer.
Agad naman sumagot si Kapunan at iginiit na may mga limitasyon din ang cross-examination.
“Never mind if you’re on cross; there are limits to cross-examination. Misleading questions are not allowed in cross. I don’t think I need to lecture you [on] that,” agad na pagsingit ni Kapunan.
Iginiit naman ni Ferrer ang kanyang posisyon.
“They are allowed,” giit naman ni Ferrer.
Dahil sa patuloy na pagtatalo, namagitan si Escudero at hinimok ang dalawang panig na huwag nang palalain ang tensiyon sa loob ng impeachment court.
Binigyang-diin niya na huwag hayaang ang “seeming generational divide” ay maging dahilan para lalo pang uminit ang sitwasyon.
Ngunit pabirong sinabi ni Kapunan na pinipigilan na lamang niya ang kanyang sarili na “sampalin” o “spank” ang kanyang katapat na counsel.
Muling pinaalalahanan ni Escudero sina Kapunan at Ferrer na kapwa sila miyembro ng bar at dahil dito ay pantay silang pakikitunguhan ng impeachment court.
Sumang-ayon naman ang dalawang counsel, kung saan pabirong nangako si Kapunan na “henceforth behave.”
Sa huli, tinapos ni Escudero ang pagtatalo sa pamamagitan ng pagre-reformulate sa tanong ng depensa para sa testigo, bago nagpatuloy ang impeachment court sa pagdinig. (Mylene Alfonso)