‘I’MPERFECT,’ na pinagbidahan ng mga may down syndrome, mainit na tinanggap sa European Premiere sa Italy
Advertisers
Ni Anne Venancio
Mainit na sinalubong ng Italian community ang pelikulang I’MPERFECT sa European premiere nito sa 27th Lucania Film Festival sa Tolve, Basilicata, Italy noong Agosto 4.
Ginanap ang special screening sa Vignali Della Corte, na dinaluhan ng direktor na si Sigrid Andrea Bernardo, producer na si Sylvia Sanchez ng Nathan Studios, mga bida na sina Krystel Go at Earl Amaba, at iba pang Nathan artists.
Ibinahagi ni Sylvia ang naging karanasan ng delegasyon at pinasalamatan ang mainit na pagtanggap ng mga Italian sa kanilang pelikula, partikular sa mga artistang may Down syndrome na bumida rito.
Kasama sa mga nakasama ng Philippine delegation sina Lucania Film Festival Director Rocco Callandriello, Tolve Mayor Renato Martucci, Provincia di Potenza President Christian Giordano, at CoorDown ETS Head and President Martina Fuga.
Para kay Sylvia, higit pa sa palakpakan ang naging halaga ng kanilang pagpunta sa Italy dahil nakita niya ang pagiging bukas ng komunidad sa kuwentong dala ng ‘I’mPerfect.’
“Talent knows no disability,” aniya pa.
Bahagi ng exhibition section ng festival ang I’MPERFECT at hindi ito kabilang sa mga pelikulang lumalaban sa competition.
Sa kanilang pagbisita sa Italy, nakilahok din ang Philippine delegation sa iba’t ibang festival activities at nakipag-ugnayan sa international filmmakers at industry professionals.
Bago ang premiere, dumalo ang grupo sa isang Holy Mass sa Vatican na pinangunahan ni Fr. Alvin Artemio M. Paras, OFM.
Ayon sa I’MPERFECT team, layunin nilang gamitin ang international platform upang isulong ang inclusion at authentic representation.
“We’re here with a greater purpose,” pahayag ng team.
Sa paglahok nito sa Lucania Film Festival, muling naipakita ng I’MPERFECT ang potensiyal ng Philippine cinema na makapaghatid ng kuwentong may kabuluhan sa international audience.