Advertisers
Cayetano team naghatid ng tulong sa mga evacuee sa Bacolor
Nagtungo ang Emergency Response Team ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Bacolor, Pampanga nitong Miyerkules, August 19, para maghatid ng tulong sa mga pamilyang nananatili sa evacuation centers dahil sa ilang araw nang pagbaha.
Namahagi ang grupo ng daan-daang hot meals sa Bacolor Integrated School kung saan kasalukuyang nakasilong ang 204 pamilya o 779 indibidwal, at sa Bacolor Mini Convention na tinutuluyan naman ng 49 pamilya o 220 indibidwal.
Ilan sa mga evacuee ay siyam na araw na sa evacuation centers habang patuloy na binabaha ang ilang lugar sa bayan.
Isinagawa ang operasyon katuwang sina Bacolor Mayor Eduardo “Diman” Datu at dating Mayor Atty. June Canlas. Nagpasalamat si Datu kay Cayetano sa patuloy nitong pag-alalay sa Bacolor nang hindi na kinailangang hingan ng tulong.
Batay sa datos ng munisipyo, mahigit 3,000 pamilya na ang naapektuhan ng baha sa Bacolor habang higit 400 pamilya ang kasalukuyang nasa evacuation centers.
Wala namang naitalang nasawi o nasugatan sa bayan matapos magsagawa ang lokal na pamahalaan ng mga paunang hakbang para mailikas ang mga residenteng nasa peligro.
Dumating ang relief operation habang patuloy ang pag-ulan sa Luzon dahil sa southwest monsoon o habagat.
Ayon sa PAGASA, inaasahang magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan sa malawak na bahagi ng Luzon at ilang lugar sa Visayas hanggang Huwebes, August 20.
Patuloy ding mino-monitor ng PAGASA ang dalawang low-pressure area, kabilang ang isa na nasa labas at isa pang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility.
Bukod sa Bacolor, nagpapatuloy rin ang pagtulong ng Cayetano team sa iba pang mga lugar sa Luzon na tinamaan ng baha, kabilang ang pamamahagi ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa mga komunidad na patuloy na apektado ng pag-ulan.