Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Ang 22nd Cinemalaya Philippine Independent Film Festival ay ginawaran ng prestihiyosong Balanghai trophy para sa Best Film ang Mag-iina, isang psychological horror na umiikot sa tatlong henerasyon ng kababaihang pinag-uugnay ng matinding pagdadalamhati, kabaliwan, at isang madilim na lihim ng pamilya.
Sa direksiyon nina Giancarlo Abrahan at Guelan Varela Luarca, pinuri ang Mag-iina dahil sa matapang at makabagong pagkukuwento, mahusay na teknikal na pagkakagawa, at makapangyarihang pagganap ng halos buong babaeng cast. Itinuturing din itong pelikulang gumagamit ng kuwento tungkol sa pamilya, pagkawala, at mga lihim upang ipakita ang mas malalalim na realidad ng lipunan at pulitika sa Pilipinas.
Hindi lamang Best Film ang napanalunan ng Mag-iina. Si Giancarlo Abrahan ay itinanghal ding Best Director, habang si Guelan Varela Luarca naman ang nagwagi ng Best Screenplay para sa Full-Length Category.
Nag-uwi rin ng Balanghai trophies ang pelikula para sa Best Production Design, na iginawad kay Katrish Aristoki, at Best Musical Scoring, na napunta kay David Yuhico.
Nagkaroon ng tabla sa Best Actress, kung saan parehong nagwagi sina Ruby Ruiz para sa Status: Rejected at Marietta “Pokwang” Subong para sa 2 Valid IDs.
Pinuri si Ruiz dahil sa mahusay niyang pagsasama ng katatawanan, lungkot, at kahinaan ng isang babaeng naghahanap ng pag-ibig at makakasama sa buhay.
Samantala, kinilala si Pokwang sa isang malalim at transformative na pagganap. Kapansin-pansin ang paglayo niya sa kanyang karaniwang comedic roles upang gampanan ang isang karakter na puno ng frustration, dignidad, at tahimik na emosyon.
Si Martin del Rosario ang nagwagi bilang Best Actor para sa Tayo Lang Ang Nakakaalam. Pinuri ang kanyang tahimik ngunit matinding pagganap bilang isang lalaking nag-aalaga sa kanyang naghihingalong partner.
Nagtabla rin sa Best Supporting Actor sina Lucas Andalio ng Mag-iina at K.D. Omalin ng Hand of God.
Si Andalio ay pinuri sa kanyang napakahusay na pagganap bilang isang batang dumaraan sa nakakagulat na pagbabago mula sa inosenteng bata tungo sa isang madilim na karakter.
Si Omalin naman ay kinilala sa kanyang makapangyarihang pagganap bilang isang batang sundalo mula Mindanao na nakahanap ng pag-asa at pangarap sa pamamagitan ng football.
Ang singer-actress na si Bituin Escalante ay nagwagi ng Best Supporting Actress para sa A.ni.mál. Pinuri siya dahil sa kanyang matapang na pagganap at kakayahang lumipat mula sa dark comedy patungo sa seryosong drama.
Sa Short Film Category, ang Silkscreen ni Rey Anthony Villaverde ang nagwagi bilang Best Film, dahil sa mahusay na cinematography, color grading, sound design, at emosyonal na kuwento tungkol sa isang ama at anak, legacy, at pagkakasundo.
Kabilang sa iba pang technical award winners sina:
Best Editing: John Rogers – A.ni.mál
Best Cinematography: Adam Dumaguin – Tayo Lang Ang Nakakaalam
Best Production Design: Katrish Aristoki – Mag-iina
Best Musical Scoring: David Yuhico – Mag-iina
Best Sound: Elian Idioma – Tayo Lang Ang Nakakaalam
Best Ensemble Performance: Cast ng Tayo Lang Ang Nakakaalam
Ang Special Jury Prize naman ay napunta sa 2 Valid IDs nina Ma-an Asuncion-Dagñalan at Abet Pagdagdagan Raz, at Para-Paraan (Finding a Way Through) ni Mae Chan Li.
Para naman sa Audience Choice Awards, paborito ng mga manonood ang 2 Valid IDs para sa Full-Length Category at Hoy, Hoy, Ingat! (Hey, Hey, Take Care!) ni Norvin de los Santos para sa Short Film Category.
Sa dami ng pangunahing parangal na nakuha nito, kabilang ang Best Film, Best Director, Best Screenplay, Best Production Design, at Best Musical Scoring, malinaw na isa ang Mag-iina sa mga pinakatampok na pelikula ng Cinemalaya 22.