Advertisers

Advertisers

Cayetano: Kailangan ng total ban sa online gambling, hindi sapat ang regulasyon lang

0 3

Advertisers

Muling iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang panawagan na tuluyang ipagbawal ang online gambling sa bansa dahil mahirap na itong kontrolin sa panahon ng digital technology.

Ayon kay Cayetano, nagiging mas mapanganib ang online gambling dahil sa dali nitong ma-access gamit ang cellphone, bukod pa sa pagiging nakakaadik nito at pag-target sa mga mahihirap.



“I just want to manifest my personal stand, which is lahat ng online gaming i-ban totally because it’s habit-forming, it’s addictive, and it preys mostly on the poor,” wika ni Cayetano sa kanyang interpellation sa Senate Bill No. 2424 sa ilalim ng Committee Report No. 81 o Child Safety and Protection Act nitong September 7.

Sinabi ni Cayetano na nalalagay sa panganib ang araw-araw na kita ng isang tao dahil maaari siyang tumaya anumang oras gamit ang kanyang cellphone.



“You could be a taxi driver at sa cellphone mo, whether while driving or sometimes nakaparada ka lang, at kumita ka ng isang libo noong araw na iyon, pero matatalo ka ng isang libo in 15 minutes. That’s the reality,” wika niya.

Nanawagan din si Cayetano ng mahigpit na kontrol sa mga advertisement ng online gambling.



“I fully support free speech. But may limits din ang free speech, especially when it comes to advertising something na may addiction,” wika niya.

Ilang Kongreso nang nagsusulong si Cayetano ng mga hakbang laban sa online gambling.

Noong 19th Congress, inihain niya ang Anti-Online Gambling Act. Sa 20th Congress naman, inihain niya kasama si Senator Pia Cayetano ang Senate Bill No. 30 o proposed Ban on Online Gambling Act.

Inihain din ni Cayetano ang Senate Bill No. 109 na naglalayong ipagbawal ang online gambling advertisements sa iba’t ibang media platform.

Aniya, lalo lamang naging mahirap ang regulasyon sa online gambling dahil halos lahat ay may access sa cellphone ngunit hindi dapat ito maging dahilan para hindi kumilos ang pamahalaan.

“In the information age, in the digital age, in a generation that is entering this world where everything is at your fingertips because of your cell phone, napakahirap mag-regulate,” wika niya.

“But if we don’t try, we already failed,” dagdag niya.

Iginiit ni Cayetano na kailangang magkaroon ng lakas ng loob ang pamahalaan na gumawa ng mas mahigpit na hakbang laban sa mga gawaing itinuturing niyang lubhang nakasasama sa publiko.

“When it comes to certain things that are totally unhealthy, like vape and online gaming, may we find the courage to totally ban it in our country,” wika niya.