Advertisers
Malugod na tinanggap ng House prosecution nitong Miyerkules ang desisyon ng City Prosecutor ng Quezon City na ibasura ang petisyong inihain ni Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Z. Duterte, na naglalayong pigilan ang pagbubunyag ng kanilang mga rekord ng transaksiyon sa bangko.
Ayon sa House prosecutor na si Manila City Representative Joel Chua, napapanahon ang desisyon dahil nakatakdang talakayin sa impeachment trial ang mga alegasyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Sinabi ni Chua na inaasahan nilang ibabasura ang reklamo ni Carpio dahil, aniya, malinaw na ginawa ito upang mang-harass hindi lamang sa mga miyembro ng House of Representatives kundi maging sa mga testigong haharap sa Senate Impeachment Court sa susunod na linggo.
“Inaasahan naman natin na ito ay talagang maliwanag na madi-dismiss dahil unang-una, ito ay maliwanag na harassment lamang sa amin sa paggawa ng aming o sa pagtupad ng aming tungkulin. Pangalawa, wala naman talagang basehan yung kanyang reklamo, at ikatlo ay ito ay ginawa namin in the line of work nung kami po ay nagco-committee hearing kaya alam naman natin na may immunity,” ani Chua.
Dahil dito, sinabi ni Chua na maaari nang magpatuloy ang prosecution sa paglalahad ng kanilang kaso sa Article II ng impeachment complaint, na tumutukoy sa alegasyon ng pag-iipon ni Duterte ng hindi maipaliwanag na yaman, nang walang legal na hadlang lalo na sa panig ng mga testigo.
Aniya, hindi na dapat matakot ang mga testigo na humarap sa impeachment trial kaugnay ng kanilang mga ihahayag tungkol sa unexplained wealth dahil wala nang nakabinbing kasong maaaring maging hadlang sa kanilang pagtestigo.
Ayon kay Chua, tinatayang 10 testigo mula sa pamahalaan at pribadong sektor, gayundin ang hindi bababa sa 15 kinatawan ng mga institusyong pampinansyal, ang nakatakdang tumestigo hinggil sa mga rekord ng bangko ng mag-asawang Duterte-Carpio, mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng bise presidente, at kanilang mga interes sa negosyo.
Magsisimula ang House prosecution sa paglalahad ng kaso nito sa Article II sa Lunes, dahilan upang ituring ni Chua na napapanahon ang naging desisyon ng QC City Prosecutor.
“Yung mga testigo na uupo na dinamay nila dito para harasin, para mapigilan yung kanilang mga sasabihin sa impeachment ay wala nang magiging hadlang. So naniniwala kami na lahat nitong mga kaso na ibinabato ay para lamang mapigilan, para maharas ang mga testigo,” ani Chua.
Natanggap na ng Senate Impeachment Court ang mga rekord ng bangko at iba pang dokumentong pinansyal na saklaw ng mga subpoena na hiniling ng House prosecution para sa Article II.
Kasalukuyang minamarkahan at binibigyan ng numero ng prosecution at defense panels ang libo-libong dokumentong gagamitin sa paglilitis.
Sinabi ni Chua na pinag-aaralan din ng prosecution ang posibilidad na hilingin sa defense panel na pagtibayin na ang mga dokumento ng bangko upang mapabilis ang paglilitis.
Kabilang sa mga testigong haharap sa Article II si dating Senador Antonio Trillanes IV, na matagal nang sumusubaybay sa umano’y ill-gotten wealth ng pamilya Duterte, maging noong siya ay nakaupo pa sa Senado.
Ayon kay Chua, mahalaga ang impormasyong maibibigay ni Trillanes tungkol sa usapin ng hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente dahil siya ang unang nagharap ng mga ebidensiya, kabilang ang mga dokumento ng bangko, hinggil sa dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang miyembro ng pamilya nito.
Sinabi naman ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union na matagal nang naging krusada ni Trillanes ang paghabol sa umano’y ilegal na yaman ng mga Duterte kaya magiging mahalaga ang kanyang testimonya sa Article II.
“Actually, yung mga siniwalat niya dati, hindi pa tayo Congressman noon, na-cross-check lahat yan. Kumbaga parang nasilip niya lahat itong mga ‘to. So again, ayoko naman pangunahan kung sino or ano yung order of witnesses, pero Trillanes is coming,” ani Ortega.