Advertisers
NAGPATULOY ang relief operation ng Lingkod Lapid sa La Trinidad, Benguet, kung saan nasa limang daang magsasaka at mga negosyante mula sa micro, small and medium enterprises o MSME sector ang nakatanggap ng tulong.
Isinagawa ang pamamahagi sa La Trinidad Gymnasium, na pinangunahan ni Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid.
Kasama ni Lapid sa aktibidad sina La Trinidad Mayor Roderick Awingan, Vice Mayor Guiller Galwan at iba pang lokal na opisyal.
Samantala, nagsagawa rin ng pagpupulong sina Lapid, Awingan, Galwan at Department of Agriculture-Cordillera Administrative Region Executive Director Jennilyn Dawayan sa La Trinidad Municipal Hall.
Tinalakay sa pulong ang panukalang “rescue-buy” scheme ni Senator Lito Lapid, kung saan layuning bilhin ang mga hindi naibentang gulay mula sa Benguet at iba pang lugar upang makatulong sa mga magsasaka na maiwasang malugi ang kanilang ani.
Napag-usapan din ang mga planong tourism infrastructure projects para sa La Trinidad na inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng turismo at lokal na ekonomiya.
Ayon sa Lingkod Lapid caravan, layunin nitong maihatid ang tulong at suporta sa mga sektor na nangangailangan, partikular sa mga komunidad na umaasa sa agrikultura at maliliit na negosyo.