Advertisers
NAGTATAKA ang karamihan sa mga mamamayan ng Laguna kung bakit tila “bahag ang buntot” ni Laguna Acting PNP Provincial Dir. Col. Sando Jay DC Tafalla sa pag-aksyon laban sa dalawang indibidwal na nagpapakilalang sugo ng matataas na opisyales ng tanggapan ng Philippine National Police (PNP) para sa pagpapatakbo ng kailegalan sa lalawigan ni Gov. Sol Aragones.
Kapag nagpatuloy ang “pag-tetengang kawali” ni Col. Tafalla at hindi nito naipaaresto at napakasuhan sina alyas Digoy na kilala din sa tawag na alyas Sgt. De Guzman at isang alyas Jun Milan ay siya din (Col. Tafalla) ang maapektuhan sa dakong huli.
Walang kamalay-malay sina PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at BGen. Baccay na ultimong sa mga permanente o puesto pijo na sugalan ni alyas Judith ay may kinokolekta na lingguhang tig Php 100K sina alyas Digoy aka Sgt. De Guzman at alyas Jun Milan para iremit sa mga tanggapan nina PDGen. Nartatez Jr., BGen. Baccay at Col. Tafalla.

Para sa kaalaman ni PDGen. Nartatez Jr. at PBGen. Baccay, bago naging gobernador si Sol Aragones ay nag-ooperate na ng dalawang puesto pijo ng permanenteng ilegal na sugal si alyas Judith. Ang mga ito ay nasa Brgy. Balibago, Sta. Rosa City at Brgy. Sto Domingo malapit sa Biñan Public Market.
Sa Brgy. Makiling, Paciano Rizal kapwa sa Calamba City ng alyas Ador at kapatid nito na operator ng petroleum pilferage na nagpapatakbo din ng paihi/buriki sa Silangan Exit, Cabuyao City ay may kinokolektang tig Php200K sina alyas Digoy aka Sgt. De Guzman at alyas Jun Milan. Maging sa maintainer ng STL bookies ay nakapayroll din ng tig Php50 weekly pati na sa pergalan (peryahan na sugalan na may shabuhan) ang mga pangalan ng opisina ng mga naturang PNP top honchos.
‘Di na dapat makaabot pa sa kaalaman nina PDGen. Nartatez Jr. at BGen. Baccay ang mga kabuktutan na pinaggagawa nina alyas Digoy alyas Sgt. De Guzman at alyas Jun Milan, kailangang sa lalong madaling panahon ay magpakitang gilas at kumilos na na si Col. Tafalla, kung hindi ay baka sa kangkungan na siya pulutin?
***
BITIN at hindi pa malinaw sa balana ang katotohanan sa likod ng napabantog sa kontrobersyal na “honey trap” scheme kung saan tinangkang painan ng magaganda, sariwa at seksing tsikas si Executive Sec. Ralph Recto. Maraming katanungan na nais malaman ang publiko at dapat resolbahin pa ng mga nagsisiyasat hinggil sa naturang kaso.
Alam kaya ng mga nagplanong painan ng mga babae si Recto na ito ang kanyang “kahinaan”?
At ano naman ang mapapala ni Batangas Rep. Leandro Leviste at ng lima pang mga pinangalanang nagpakana sa pag frame up kay Recto kung sinagpang nga ng Kalihim ang ipinain na mga dalaginding?
Bukod sa “honey trap” ay marami na ding isyu laban kay Exec. Sec.Recto na paulit-ulit na umuukilkil sa isip ng mga mamamayan.
Naging kontrobersyal na din ang kalihim sa pag-akda ng pahirap sa masa na EVAT (Expanded Value Added Tax) na isa sa naging mitsa ng pagkatalo nito sa pagka senador noong 2007 election. Bilang dating Secretary of Finance ay bigo si Recto na ipatupad ang pag suspinde at pagbabawas ng excise tax ng petrolyo sa panahon ng krisis.
Ang itinuturing na pinaka malala ay ang pagiging isa sa pagiging responsableng personalidad ni Recto sa pagka paglipat ng Php60B na pondo ng PhilHealth sa ibang government program noong 2024 na kinuwestiyon ng civil society group hanggang sa Supreme Court.
Sa kanilang desisyon sinabi ng Korte Suprema na ang pagpapalipat ng Php60B na pondo ng PhilHealth ay “grave abuse of discretion”. May karugtong.
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144