Advertisers

Advertisers

Sangkot sa money laundering… CALE88 NI VP SARA MAY PONDO GALING SA UKRAINIAN

0 20

Advertisers

INIHAYAG ni Senator-Judge Risa Hontiveros sa ika-37 araw ng impeachment trial nitong Biyernes, Oktubre 9, na tumanggap ng pondo ang Cale88 Foods Corp., isang kompanya ng banana chips na iniuugnay kay Vice President Sara Duterte, mula sa isang kumpanyang Ukrainian na nahaharap sa mga reklamong kriminal kaugnay ng money laundering at pandaraya (fraud).

Sa pagtatanong kay Bureau of Internal Revenue (BIR) Office of the Commissioner Chief of Staff Anne Loraine Garcia-Marquez, inalam ni Hontiveros kung may kakayahan ang ahensiya na imbestigahan ang mga kumpanyang ang mga pumapasok na pera ay saklaw ng mga ulat hinggil sa kahina-hinalang transaksiyon (Suspicious Transaction Reports) at mga ulat ng mga saklaw na transaksiyon (Covered Transaction Reports) na isinusumite sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

“Kaya ko po ito natanong kasi ni-review din po ng opisina ko yung ibang foreign-based companies na nagpadala ng pera sa Cale88, maliban doon sa mga nakabase sa China. At lumalabas na at least isa doon ay posibleng sangkot sa money laundering activities,” pahayag ni Hontiveros.



Ang Cale88, na pag-aari ng asawa ni Sara na si Atty. Manases Carpio, ay kabilang sa mga negosyong idineklara ng bise presidente sa kanyang sinumpaang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Batay sa mga rekord ng AMLC, nakatanggap ang kompanya, na itinatag taon 2021, ng P319.3 milyong remittance mula China at Hong Kong. Ilan sa mga kumpanyang nagpadala ng pera ay pag-aari ng estado ng China.



Itinuro ni Hontiveros na kabilang sa mga kumpanyang hindi nakabase sa China na nagpadala ng pera sa Cale88, batay sa mga rekord na isinumite sa impeachment court, ang isang korporasyong Ukrainian na kasalukuyang gumagamit ng pangalang Arkmen LLC, may registration number na 41423974 at rehistradong address sa Zoriana 30A, Tsybuliv, Ukraine.

“At itong registration number, 41423974, at yung address Zoriana 30A ay nagko-correspond sa isang kumpanya involved sa isang criminal proceeding na binuksan po noong May 19, 2025 para sa fraud and money laundering kaugnay ng 1.225 million euros,” ani Hontiveros.



Ayon kay Hontiveros, iniutos ng Pecherskyi District Court of Kyiv noong Marso 2026 ang paghahalughog sa mga lugar na ginagamit ng Arkmen. Noong Abril 2026 naman, iniutos ng korte ang pag-freeze sa 100 porsiyentong pagmamay-ari ng isang suspek sa naturang kompanya.

“At yung huling inward remittance po nitong Arkmen LLC sa Cale88 ay noong May 30, 2025, na pagkatapos na po ng petsa ng pagsisimula ng criminal proceedings,” dagdag ni Hontiveros.

Bilang tugon sa mga tanong ni Hontiveros, sinabi ni Garcia-Marquez na may umiiral na koordinasyon ang BIR at AMLC upang mapigilan ang mga paglabag ng mga nagbabayad ng buwis sa mga patakarang kontra-money laundering.

Gayunman, nilinaw niya na hindi kabilang ang mga bank account sa mga dokumentong maaaring suriin at siyasatin ng BIR sa pamamagitan ng Letter of Authority (LOA), dahil saklaw ang mga ito ng umiiral na mga batas sa bank secrecy.

P150-M SALES, DALAWA LANG ANG EMPLEYADO

Lalong nasuri ang operasyon ng Cale88 nang kuwestiyunin ni Senator-Judge Joel Villanueva ang kompanya dahil dalawa lamang ang empleyado nito, batay sa Audited Financial Statements (AFS) para sa 2024, sa kabila ng naiulat na benta nitong aabot sa P150 milyon.

“This is alarming, Your Honor. You’re looking at a company with 150 million sales, 6.13 million ang losses, dalawa yung empleyado?”, tanong ni Villanueva.

“Kung kaunti lang yung employee, paano po yun? Paano na-handle yung ganitong kalaking operations?”, tanong pa niya.

Batay sa AFS ng Cale88 para sa 2024, umabot sa P150,765,259 ang kabuuang benta ng kompanya, na malaking bahagi ay hindi saklaw ng buwis. Nagtala rin ito ng netong pagkalugi na P6.13 milyon at kabuuang gastusin na P11,428,809.

Nang tanungin kung posible bang patakbuhin ang isang pagawaan ng banana chips sa pamamagitan lamang ng dalawang manggagawa, sinabi ni Garcia-Marquez: “Parang impossible po unless naka-machine sila ng dalawang employee lang.”

Binigyang-diin naman ni Villanueva, na dating namuno sa Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, na kahina-hinala ang napakaliit na bilang ng mga manggagawa kung isasaalang-alang ang laki ng operasyon ng kompanya.

“Yung small workforce, kayo na ho yung sa bibig nyo nang galing, parang impossible to be consistent with the outsourcing or automation,” ani Villanueva.

Samantala, sinuri rin ni Senador-huwes Francis “Kiko” Pangilinan ang deklarasyon ng kompanya hinggil sa mga manggagawa nito.

Kinuwenta ni Pangilinan na ang iniulat na P1,227,042 na sahod at suweldo ng Cale88 noong 2024 ay katumbas lamang ng humigit-kumulang P97,000 kada buwan kung hahatiin sa 13 buwan.

Nang tanungin ni Pangilinan kung nagbubunsod ng pagdududa ang naturang halaga sa pagiging wasto ng deklarasyon ng kompanya, sumang-ayon si Garcia-Marquez.

“Yes po. And it will be checked sa audit po,” pagtitiyak ng opisyal.