Advertisers

Advertisers

Tagong-yaman ni VP Sara namumurong ipagkanulo ng sariling SALN, tax records

0 18

Advertisers

MANILA – Lalong nakatuon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa pag-uugnay ng mga tax record, bank transaction, audited financial statement at Statement of Assets, Liabilities and Net Worth upang matukoy kung may mga pagkakaiba sa idineklarang yaman at kita ng bise presidente at ng kanyang asawang si Manases Carpio.

Sa pagdinig nitong Biyernes, Oktubre 9, iniharap ng prosekusyon si financial forensic analyst Atty. Alexander Cabrera, na naglahad ng pagsusuri sa tinatayang ₱817.87 milyon na umano’y hindi naideklarang asset at kita ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.



Sa ulat ni Cabrera, umabot sa ₱190.63 milyon ang naturang halaga noong 2022, ₱167.34 milyon noong 2023, ₱264.22 milyon noong 2024 at ₱195.69 milyon noong 2025. Layunin ng pagsusuri na pag-ugnayin ang mga bank record, tax return, SALN at iba pang dokumento upang matukoy ang mga halagang, ayon sa prosekusyon, hindi naideklara o hindi naipaliwanag.

Gayunman, ang ₱817.87 milyon ay kalkulasyon ng prosecution witness at hindi pa pinal na finding ng impeachment court. Hindi rin ito nangahulugang hawak ng mag-asawa ang buong halaga bilang salapi o na napatunayang nagmula umano ito sa ilegal na gawain.



Nauna rito, sinabi ni Atty. Anne Loraine Garcia-Marquez, chief of staff ng BIR Office of the Commissioner, na umabot sa pinagsamang ₱85.34 milyon ang net income matapos ang buwis nina Duterte at Carpio mula 2007 hanggang 2025. Itinapat ito ng prosekusyon sa ₱98.66 milyong net worth na idineklara ni Duterte sa kanyang 2025 SALN.

Ayon sa prosekusyon, tumaas nang ₱91.41 milyon ang net worth ni Duterte mula 2007 hanggang 2025 – humigit-kumulang ₱6.06 milyon na mas mataas sa pinagsamang netong kita ng mag-asawa sa panahong iyon. Ipinunto rin nito ang mga cash holding sa audited financial statements na, ayon sa pagsusuri nito, walang hiwalay na entry sa mga SALN.



Sinuri rin ng BIR ang paglipat ng mga bahagi ni Carpio sa Cale 88 Foods Corp. Sinabi ni Garcia-Marquez na walang tala sa BIR tungkol sa paglilipat o kaugnay na buwis at walang inilabas o inaplayang electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR), bagaman nakatala ang paglipat sa General Information Sheet ng kumpanya sa Securities and Exchange Commission.

Nilinaw ng BIR witness na maaaring manatiling balido sa pagitan ng mga partido ang bentahan, ngunit hindi sana ito naitala sa stock and transfer books nang walang kinakailangang dokumento. Ipinabura ng impeachment court ang salitang “fake,” na ginamit ng prosekusyon sa paglalarawan sa bentahan, matapos tumutol ang depensa.

Kinumpirma rin ng BIR witness ang paglalabas ng letter of authority para sa pagsusuri sa Cale88. Itinuro ni Senate President Sherwin Gatchalian ang pagkakaiba sa iniulat na sales ng kumpanya na ₱208 milyon at mga remittance na tinukoy sa mga rekord ng AMLC na umabot sa ₱700 milyon.

Ipinaliwanag ng witness na maaaring kabilang sa mga pondo ang pautang o donasyon, ngunit kailangang maipakita ang mga ito sa mga kaukulang financial statement; hindi pa ito pinal na finding ng tax evasion.

Nauna nang iniulat ng AMLC ang humigit-kumulang ₱4.4 bilyon sa covered at suspicious transactions na kinasasangkutan ng mag-asawa mula 2007 hanggang 2025, kabilang ang ₱1.63 bilyong inflow, ₱1.31 bilyong outflow at humigit-kumulang ₱1.46 bilyong transaksiyon.

Layunin ng prosekusyon na pag-ugnayin ang mga rekord upang suportahan ang mga alegasyon sa Article II ng impeachment complaint tungkol sa umano’y unexplained wealth at mga pagkukulang sa deklarasyon ng ari-arian.