Advertisers
Sa ilalim ng Minimum Basic Needs (MBN) program na nakatuon sa pabahay, kalusugan, edukasyon at trabaho, ipinagpatuloy ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang programa ng pamahalaang lungsod para sa kapakanan ng mga Manileño matapos mapili ang 52 pamilya na magkakaroon ng bagong tahanan sa mismong ika-52 kaarawan ng alkalde noong Sabado, Oktubre 24, 2026.
Sa isinagawang Grand Raffle ng In-City Vertical Housing Project, 52 benepisyaryo ang napili mula sa humigit-kumulang 3,300 aplikante upang manirahan sa mga ready-for-occupancy unit ng San Lazaro Residences, isang 20-palapag na gusaling pabahay na itinayo para sa mga pamilyang Manileñong nangangailangan ng maayos at disenteng tirahan.
Personal na bumunot sina Domagoso at Vice Mayor Angela Lei “Chi” Atienza ng mga pangalan ng mapapalad na benepisyaryo sa harap ng mga aplikante, na sumubaybay din sa live broadcast sa mga opisyal na Facebook page ng Manila Public Information Office, Manila Urban Settlements Office at ng alkalde.
May lawak na 42 metro kuwadrado ang bawat unit, na may dalawang silid-tulugan. Nasa P2,000 hanggang P3,000 lamang kada buwan ang kontribusyon ng mga benepisyaryo, na layuning gawing mas abot-kaya ang pagkakaroon ng sariling tahanan para sa mga pamilyang Manileño.
“Sa mismong araw ng aking kaarawan, napakasaya po sa pakiramdam na makapaghatid tayo ng pag-asa at bagong simula sa mga pamilyang nangangarap ng maayos at disenteng tirahan,” ani Domagoso.
Bilang dating lumaki sa komunidad ng mga informal settler, sinabi ng alkalde na mahalagang mapanatili ang tunay na layunin ng programang pabahay ng lungsod. Kaya mananatili sa pangangasiwa ng pamahalaang lungsod ang mga unit upang maiwasan ang pagbebenta o paglilipat ng mga ito sa ibang tao, na maaaring sumalungat sa layuning matulungan ang mga pamilyang walang sariling tahanan.
Ipinaliwanag din ni Domagoso na kung magpasya ang isang benepisyaryo na lisanin ang kaniyang unit, ibabalik ng pamahalaang lungsod ang kabuuang naihulog nitong kontribusyon. Halimbawa, ang pamilyang magbabayad ng P2,000 kada buwan sa loob ng 20 taon ay maaaring makatanggap ng kabuuang P480,000 kapag isinuko ang unit, alinsunod sa patakaran ng programa.
Ayon pa sa alkalde, inilalagak sa mga government securities ang mga nakokolektang amortisasyon alinsunod sa isang ordinansang siya mismo ang nag-akda noong panahon ng pandemya. Umabot na umano sa P50 milyon ang pondong naipon mula sa naturang mekanismo.
Bahagi ang San Lazaro Residences ng patuloy na pagpapatupad ng in-city vertical housing program ng Maynila. Ito na ang ikapitong proyektong pabahay na nakumpleto sa ilalim ng administrasyong Domagoso, kasunod ng Tondominium 1 at 2, Basecommunity, Binondominium 1, Pedro Gil Residences at San Sebastian Residences. Kasalukuyan namang itinatayo ang Binondominium 2.
Bukod sa mga residential unit, may health center, commercial area, swimming pool at function room ang San Lazaro Residences. Nasa proyekto rin ang pampublikong laboratoryo na inilalarawan ng pamahalaang lungsod bilang pinakamalaki sa bansa na pag-aari ng isang lokal na pamahalaan.
Ang pagkakaroon ng health center sa loob ng gusali ay bahagi rin ng pagsisikap na ilapit ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente, habang ang mga pasilidad at komersiyal na espasyo ay inaasahang makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
“Congratulations po sa 52 pamilyang Manileño na nabunot sa Grand Raffle ng In-City Vertical Housing Project ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” pahayag ni Domagoso.
“Hindi po rito nagtatapos ang ating pagsisikap. Rest assured, ipagpatuloy natin ang In-City Vertical Housing Project upang mas marami pang pamilyang Manileño ang magkaroon ng sariling bahay,” dagdag niya.
Sa ilalim ng Minimum Basic Needs framework, kabilang ang disenteng pabahay, serbisyong pangkalusugan, edukasyon at oportunidad sa trabaho sa mga pangunahing pangangailangang dapat tugunan upang mapabuti ang kalagayan ng mga pamilya.
Sa pagpapatuloy ng mga proyektong pabahay, layunin ng pamahalaang lungsod na hindi lamang magkaroon ng matitirhan ang mga benepisyaryo kundi mailapit din sa kanila ang mahahalagang serbisyong kailangan sa pang-araw-araw na pamumuhay.(BP)