Advertisers

Advertisers

VP SARA, SILIP SA TAX EVASION SA P111.85M KITA!

0 23

Advertisers

INIHAYAG ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur nitong Huwebes ang posibilidad ng tax evasion na kinasasangkutan umano ni Vice President Sara Z. Duterte, kasunod ng natukoy na P111.85-milyong agwat sa pagitan ng kanyang idineklarang kita at mga perang pumasok sa kanyang mga bank account na sinuri sa impeachment trial.

Ayon kay Alonto Adiong, nagbubunsod ng mga katanungan ang naturang diperensya hindi lamang hinggil sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte kundi maging sa kung tama niyang idineklara ang kanyang kita at binayaran ang kaukulang buwis.

“Hindi lang ho ito issue ng non-disclosure or unexplained wealth. This is also an issue of tax evasion,” pahayag ni Alonto Adiong sa isang press briefing.



Binanggit niya ang mga rekord-pinansiyal na nagpapakita ng P174.96 milyong pumasok na pondo sa mga bank account, kumpara sa P63.11 milyong idineklarang kita mula 2022 hanggang 2025. Dahil dito, lumilitaw ang diperensyang P111.85 milyon.

Bahagi ang mga bilang na ito ng mga natuklasan ng forensic accounting expert na si Alexander Cabrera, na nagsuri sa income tax returns ni Duterte, mga rekord sa bangko at iba pang dokumentong pinansiyal na iniharap sa impeachment trial sa Senado.



Isinama ni Cabrera ang umano’y P111.85 milyong hindi naideklarang kita sa mas malawak niyang pagtaya na aabot sa P817.87 milyon ang hindi maipaliwanag na yaman at mga ari-ariang hindi naideklara na iniuugnay kay Duterte at sa kanyang asawang abogadong si Manases “Mans” Carpio.

Sinabi ni Alonto Adiong na nais ng prosekusyon na ipaliwanag ni Duterte kung saan nagmula ang mga naturang deposito at kung bakit hindi nagtutugma ang mga halaga nito sa kitang iniulat sa Bureau of Internal Revenue (BIR).



Bahagi ang diperensya sa Article II ng impeachment complaint, na nag-aakusa kay Duterte ng pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi ganap na pagsisiwalat ng kanyang mga ari-arian.

Iginigiit ng prosekusyon na dapat kayang ipaliwanag ng mga opisyal ng gobyerno ang pinagmulan ng kanilang yaman at mapatunayan na nagmula ang kanilang mga ari-arian sa mga legal na pagkakakitaan.

Itinanggi naman ni Duterte ang anumang pagkakamali, habang kinuwestiyon ng kanyang mga abogado ang ebidensiya at mga konklusyon ng prosekusyon.

Nanatili lamang ang Article II matapos bawiin ng House prosecution panel ang tatlo pang kasong nakapaloob sa impeachment complaint.

Inaasahang magsisimula ang depensa sa paglalahad ng kanilang mga ebidensiya sa pagpapatuloy ng paglilitis sa Nobyembre 9.