Advertisers
HINDI inaalis ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang posibilidad ng panibagong explosive eruption sa Bulkang Mayon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public Briefing, sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol Jr., nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan na nangangahulugang mas mataas ang posibilidad ng mapanganib na pagsabog.
Gayunman, wala pa aniya silang maibigay na eksaktong porsiyento kung kailan ito maaaring mangyari at hindi rin nangangahulugang mas malakas agad ang susunod na pagsabog.
Bunga nito, sinabi ni Bacolcol na patuloy na binabantayan ng PHIVOLCS ang mga pagyanig, sulfur dioxide emission, crater glow, rockfall, paglabas ng lava at pagbabago sa hugis ng bulkan.
Kabilang din aniya sa kanilang sinusubaybayan ang seismic signals upang matukoy kung kinakailangan nang itaas sa Alert Level 4 ang alert status ng Mayon.
Samantala, muling nagpakita ng aktibidad ang Bulkang Mayon matapos maobserbahan ang panandaliang Strombolian activity bandang ala-1:15 ng madaling araw nitong Lunes.
Sabi ni Bacolcol, tumagal ng 41 segundo ang pagsabog na nagbuga ng lava at nagpaabot ng volcanic plume sa 300 metro mula sa bunganga ng bulkan.
Bukod dito, naitala rin ang 14 volcanic earthquakes at isang rockfall event sa monitoring period na nagtapos ng hatinggabi ng Nobyembre 2.
Umabot naman sa 1,844 tonelada kada araw ang sulfur dioxide emission ng Mayon. (Gilbert Perdez)