Advertisers
INAMIN ng isang testigo ng depensa na naging direktor ng isang pribadong kumpanya ng fast-food si Vice President Sara Duterte at tumanggap ng mahigit P2.1 milyon na regular na bayad mula sa operasyon ng isang sangay ng Jollibee sa Davao City, kahit nanunungkulan na bilang Bise Presidente ng bansa.
Ito ang naging pag-amin ni Atty. Suzette Balucanag-Punay, corporate counsel ng GenCorp Industries Inc. at Metro City Chow Foods Corp., sa kanyang pagtestigo sa Senate impeachment court.
Iniharap si Punay ng kampo ng depensa upang pabulaanan ang alegasyong may mga hindi idineklarang negosyo at transaksiyon si Duterte. Subalit sa halip na tuluyang mapawi ang mga alegasyon, kinumpirma nito na nanatiling direktor ng Metro City Chow ang Bise Presidente at patuloy na tumatanggap ng mga bayad mula sa operasyon ng sangay ng Jollibee sa Davao City na pinangangasiwaan ng GenCorp.
Ayon sa prosekusyon, nilabag ni Duterte ang Article VII, Section 13 ng Konstitusyon na nagbabawal sa Pangulo at Pangalawang Pangulo na makilahok o magkaroon ng interes sa anumang negosyo habang nanunungkulan sa puwesto.
Sa direktang pagtatanong ni defense counsel Atty. Justin Nicol Gular, inamin ni Punay na isa si Duterte sa mga incorporator ng Metro City Chow Foods, kasama sina Jaime Cruz, Richie Yvette Cruz, Kimberly Justine Cruz at Gurley dela Cruz.
Nang tanungin kung bakit nanatili sa lupon ng mga direktor si Duterte matapos maupo bilang Bise Presidente, ipinaliwanag ni Punay na nakabatay ito sa bilang ng mga direktor na nakasaad sa Articles of Incorporation ng kumpanya.
“Batay sa kanilang Articles of Incorporation, kailangang magkaroon ng limang direktor ang korporasyon. At dahil lima lamang ang stockholders, lahat sila ay direktor,” paliwanag ni Punay.
Bukod dito, binasa rin ni Punay ang mga talaan ng GenCorp na nagpapakitang nagbigay ang kumpanya kay Duterte ng P337,500 noong 2022, P555,750 noong 2023, P612,419.14 noong 2024 at P636,700 noong 2025.
Gayunman, hindi maipaliwanag ng abogado kung paano kinuwenta ang mga naturang bayad at wala rin siyang maipakitang nakasulat na kasunduan o iba pang dokumentong magpapatunay sa batayan ng mga ito.
“Kung susumahin mula 2022 hanggang 2025, magkano ang kabuuang halagang inilabas ng GenCorp Industries Inc. para sa Bise Presidente Sara Zimmerman Duterte?,” tanong ni Gular.
“May kabuuang P2,142,369.14,” sagot ni Punay.
Dagdag niya, inilabas ang mga naturang halaga sa pamamagitan ng mga tsekeng nagmula sa bank account ng Jollibee Times Square branch.
Dito na kinuwestiyon ni Senate President at presiding officer Chiz Escudero ang batayan ng naturang mga bayad kay Duterte, partikular ang paglalarawan ni Punay sa mga ito bilang “return on capital” o pagbabalik ng puhunan mula sa umano’y “loose investment” ng Bise Presidente.
“Bakit ibinabalik sa kanya ang kapital? Ano ba ang interes niya sa branch na iyon? Nagpautang ba siya? Naglabas ba siya ng puhunan? May porsiyento ba siya sa branch? Anong dokumento ang nagpapatunay ng kanyang interes doon?” sunod-sunod na tanong ni Escudero.
“Wala po akong nakitang nakasulat na dokumento, Your Honor,” sagot ni Punay.
Muling iginiit ni Escudero kung bakit nagbibigay ang GenCorp ng buwanang halaga kay Duterte mula sa operasyon ng Times Square branch simula Hunyo 2022, na pinaniniwalaang panahon ng pagbubukas ng naturang sangay.
“Tinawag ninyo itong ‘return of capital.’ Ano ang batayan para bigyan siya ng anumang halaga?” tanong ng presiding officer.
Ipinaliwanag ni Punay na ang pagbabalik ng puhunan ay nagmula umano sa “loose investment” na ipinasa-pasa sa Great Jolly Times, Times Square B at kalaunan ay sa GenCorp.
Ayon sa abogado, dating stockholder si Duterte ng Davao Bounty Foods Corporation na siyang orihinal na dapat magpatakbo sa Jollibee Times Square, subalit nabigo itong makakuha ng franchise.
Dahil dito, ang sangay sa Times Square Plaza ay kalaunang binuksan sa ilalim ng Great Jolly Times Foods Corporation. Inilipat naman ito noong 2013 sa Times Square Bee Foods Corporation at kasalukuyang pinatatakbo ng GenCorp Industries Inc., na namamahala sa limang sangay ng Jollibee sa Davao.
Paglilinaw ni Punay, hindi na pormal na nakatala si Duterte bilang stockholder sa mga sumunod na kumpanyang humawak sa operasyon, subalit nanatili umano ang kanyang interes sa puhunan sa kabila ng sunod-sunod na pagbabago sa mga korporasyon.
“Ang mga shares o investment ni Sara sa Davao Bounty ay ipinasa lamang sa Great Jolly Times,” ani Punay.
Tinawag din niyang “loose investment” ang naturang puhunan dahil hindi naman stockholder ng Great Jolly Times ang Bise Presidente.
Samantala, kabilang ang umano’y mga shares ni Duterte sa GenCorp at iba pang kumpanya, kasama ang kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio, sa mga asset na sinasabing hindi naideklara at pinagmumulan ng hindi maipaliwanag na yaman.
Sa pagsusuri ni forensic financial expert Atty. Alexander Cabrera, tinatayang aabot sa hindi bababa sa P817.87 milyon ang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawa mula 2022 hanggang 2025.
Sa isinagawang pagsusuri, gumamit si Cabrera ng 20 porsiyentong economic-interest attribution sa GenCorp at tinukoy ang umano’y hindi naideklarang taunang kita ng kumpanya na P55,714,292 noong 2023, P74,056,480 noong 2024 at P82,858,946 noong 2025.
Sa kabuuan, umaabot sa P212.63 milyon ang naturang halaga.
Patuloy namang pinagtatalunan sa impeachment court ang mga alegasyon at ebidensiyang iniharap ng magkabilang panig kaugnay ng umano’y hindi idineklarang interes sa negosyo at yaman ng Bise Presidente.