Advertisers
ARESTADO ang isang punong barangay na itinuturong utak sa pagpatay sa guro na LGBTQ (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) nang isilbi ang warrant of arrest noong Lunes sa probinsya ng Abra.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng First Judicial Region Branch 2, Bangued, Abra sa kasong murder nadakip si PB Mike Armando Wilson, 46, ng Barangay Dumagas, Bucay, Abra.
Sa report ng Bucay Municipal Police Station, 10:00 ng umaga ng Lunes, hindi na nanlaban pa si Wilson sa mga pulis at kusang sumama sa nasabing himpilan ng pulisya para sa tamang disposisyon.
Magugunita noong Setyembre 28, 2022, papasok sa kanyang trabaho ang biktimang si Rudy Steward “Estee” Sayen, guro sa Suyo National High School sa bayan ng Pidigan nang tambangan at pagbabarilin patay ng apat na suspek.
Agad naman nadakip sa isinagawang follow-up operation ang apat na salarin at inginuso ng mga ito si Wilson na mastermind sa krimen.
Hinala ng mga awtoridad dating alitan sa away-lupa na may kinalaman sa small-scale mining claims ang motibo sa pagpatay sa biktima.