Advertisers

Advertisers

Direk Joven aminado, idol si Rey Valera

0 903

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

DREAM come true para sa award-winning songwriter at director na si Joven Tan na makagawa ng isang obra tungkol sa kanyang iniidolong kompositor na si Rey Vaera.
Katunayan, para sa kanya isang malaking karangalan ang maisapelikula ang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko”(The Music of Rey Valera) bilang tagahanga ng OPM icon.
“First, kasi parang nakaka-excite kasi nga, isa siya sa idol ko sa pagsusulat ng kanta, so parang….habang ginagawa ko ang pelikula, marami rin akong napupulot na tips na makakatulong sa akin sa paggawa ng mga kanta. Idol ko siya. Idol ko siya. Isa siya sa mga idol ko sa pagsusulat ng kanta,” ani Direk Joven.
Ayon pa kay Direk Joven, isa raw ang tanyag na singer-songwriter sa mga inspirasyon niya sa pagpasok niya sa music industry.
“Noong nagsisimula ako, uma-attend ako ng workshop pag siya ang facilitator. Siya iyong nagbibigay ng lecture noong um-attend ako, naalala ko iyon,” pa-throwback niya.
Hirit pa niya, gusto rin daw niya itong maka-collaborate sa paglikha ng awitin kung mabibigyan ng pagkakataon.
Sa dinami-dami rin ng mga tinitingalang mang-aawit sa industriya, ipinaliwanag din niya kung bakit ang musical genius ang napili niyang bigyan ng pagpupugay sa kanyang pelikula.
“Sa akin kasi, personally dahil siya kasi iyong idol ko. Sa lahat ng kanta niya, walang hindi kayang kantahin. Sa videoke, wala yatang hindi kumakanta ng Rey Valera . Parang national anthem siya ng bawat Pinoy. Walang kamatayan,” esplika niya.
Deklara pa niya, paborito raw niya ang halos lahat ng kanta ng living legend dahil naging bahagi na ito ng buhay ng bawat Pilipino.
Nagpapasalamat din siya kina Edith Fider na producer ng “Kahit Maputi Pa Ang Buhok Ko” na nagkaroon ng interes sa kanyang proyekto at kay Rey Valera sa pagbibigay nito ng tiwala na maisalin sa puting tabing ang talambuhay at musika nito.
“Kinausap namin siya nang maayos and at the same time, nagbabalak pala talaga siyang gumawa ng libro so sabay-sabay iyong ano. Base rin iyong story sa book na ipinadala niya na hindi pa lang napa-publish, “ pagbabahagi ni Direk Joven.
Aminado rin siyang makulay ang buhay ng singer-songwriter na isang Pinoy Cinderella story.
“Maraming revelation iyong pelikula pero at the same time, sabi nga sa bawat Cinderella story, merong happy ending so, I think nandoon kumpleto iyong ano. At saka kasi iyong pelikula, para ka lang lang ano, alam mo iyong isang Sunday afternoon na para ka lang nakikinig ng radio sa bahay na isang pamilya kayo pero iyong tugtog tuwing Linggo, the usual Rey Valera songs,” paliwanag niya.
Mas humanga rin daw siya sa idolo sa kanyang personal na engkuwentro rito.
“Simpleng tao siya, normal na tao na may kuwento at may gustong ikuwento,” pagtatapos niya.
Ang Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko (The Music of Rey Valera) ay kuwento ng iconic singer-songwriter na si Rey Valera at ng mga totoong taong naging inspirasyon niya sa paglikha ng kanyang musika.
Pinagbibidahan ni RK Bagatsing bilang Rey Valera, kasama rin sa cast sina Aljur Abrenica, Rico Barrera, Gelli de Belen, Josh de Guzman, Christopher de Leon, Lotlot de Leon, Jenine Desiderio, Meg Imperial, Ronnie Lazaro, Gian Magdangal, Carlo Mendoza, Ara Mina, Arlene Muhlach, Pekto Nacua, Eric Nicolas, Dennis Padilla, Epy Quizon, Arman Reyes, Ariel Rivera, Ricky Rivero, Rosanna Roces, Lloyd Samartino, Shira Tweg, Lou Veloso, at Gardo Versoza with Rey Valera as the narrator.
Tampok din dito ang mga walang kamatayang awitin na pinasikat ng nasabing OPM icon tulad ng Kahit Maputi na ang Buhok Ko, Malayo Pa Ang Umaga, Mr. DJ, Pangako sa Yo, Kung Tayo’y Magkakalayo, Maging Sino Ka Man, Kung Kailangan Mo Ako, Tayong Dalawa, Ako si Superman, at ilan sa greatest hits ni Rico Puno noong dekada 70, 80 at noong early 2000s.
Mapapanood na ito simula sa Abril 8 sa mga piling sinehan sa buong bansa bilang opisyal na kalahok sa MMFF summer film festival.