Advertisers

Advertisers

Reclamation Project

0 210

Advertisers

KAILANGAN dumaan sa masusing proseso ng pagtatanong, pagsusuri at konsultasyon ang anumang proyekto na maaaring magdulot ng pangmatagalang epekto sa kaligiran. Kailangan dumaan ito sa talakayan sa mga maaapektuhan na komunidad bago ito ipatupad.

Itinatadhana ito ng batas at ipinapatupad ito ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Environment & Natural Resources (DENR) na nagbibigay ng pahintulot sa pamamagitan ng environmental impact statement (EIS) at environmental impact assessment (EIA) upang masiguro na ligtas ang anumang proyekto

Nais ng isang mangangalakal na magtayo ng isang gas station malapit sa isang paaralan sa Quirino Highway sa Quezon City, ngunit inurong niya ang kanyang plano dahil nagprotesta ang mga stakeholder tulad ng mga magulang, school staff, at kapitbahay. Umurong ang mangangalakal at itinayo niya ang gas station sa ibang lugar. Nangyari ito noong mga 1990.



Sinasabi ng ating common sense na ang pangunahing pangangailangan ng isang negosyo ay lokasyon, lokasyon, at lokasyon. Ikinakatwiran ng mga taong mapanuri na ang kaloob-looban na bahagi ng bansa ang nangangailangan ng negosyo at ito ang magdadala ng salapi at hanapbuhay sa maraming mamamayan. Hindi ang mga reclamation project sa tabi ng dagat na magbibigay ng malaking gastos sa landfill material.

Naghintay ang SM Mall of Asia ng 20 taon bago ilatag ang istraktura ng reclamation project sa karagatan sa likuran. Kailangan ang mahabang panahon at ito ay naaayon sa mga prinsipyo ng basic engineering. Kailangan ang oras upang kontrahin ang liquefaction kung saan kinakain ng karagatan ang mismong pundasyon na naimtambak na landfill sa dagat.



Tumututol sa mga reclamation project ang mga militante stakeholder tulad ng PAMALAKAYA, Pangisdaan, Kalikasan, People’s Network for the Environment, at iba pa. Ikinatwiran nila na pinapatay reclamation project ang mga bakawan, sea grass at coral na pinamumuugaran ng buhay sa karagatan na nagbibigay ng kabuhayan s mga komunidad sa baybay dagat.

Binubuksan ng mga reclamation project sa karagatan ng iba’t ibang panig ng bansa lalo na sa Manila Bay ang isang tanawin kung saan nandoon ang maraming mayaman na land developer na humaharap sa kanilang mayaman na kliyente kahit nagpapahirap sa mga nagdarahop na mamamayan sa dalampasigan. Isang itong patalong laban ng mga mahihirap kontra sa mga walang pakialam na mayayaman.



Ayon sa mga fisherfolk stakeholders, mayroon 187 reclamation projects sa buong bansa. Aabot sa 46 sa kanila ang mga proyekto sa Manila Bay na sasakop sa 32,000 ektarya na Manila Bay fishing grounds. Noong panahon ni Rodrigo Duterte, tinanggal ang anim na kasapi ng kanyang Gabinete dahil sangkot sila sa mga kakaibang reclamation project sa Manila Bay.

Nong Abril, 2022, sinabi ni Duterte na hindi niya masusuportahan ang aktibidad sa reclamation dahil tanging ang mga malalaking kumpanya lang ang makikinabang. Ngunit binawi niya ito sa huling mga buwan ng kanyang termino at sinabing maaaring tanggapin ang ilang reclamation proposal sa mga huling araw.

Walang tagatangkilik ng mga reclamation projects sa Manila Bay at iba pang panig ng bansa ang bumaligtad sa itinakdang EIS at EIA ng kanilang proyekto na naplano na. Mukhang nakialam na si PBBM sa usapin ng mga reclamation project.

Para kay BBM, mukhang marapat lang na kilalanin ang tunggalian ng mga mayayaman na land developer at mahihirap na mangingisda at mamamayan sa baybay dagat na mawawalan ng kabuhayan at matitirhan sa dalampasigan na pangunahing maapektuhan ng mga reclamation project.

Sa ngayon, hindi nakakapaglabas kahit ang Philippine Reclamation Authority (PRA) ng isang masterplan na kumikilala sa mga offshore areas para sa real estate development.

***

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “This acquittal of former Philippine Senator Leila de Lima on what were always bogus charges is long overdue. After six years in jail, she should be released without any further delay.” – U.S. Sen. Dick Durbin

“Duterte says Marcos is right about drug war ‘abuses’ but washes his hands and blames everything on law enforcers following his orders.” – Bob Blues Magoo, netizen, kritiko

“Justice for former Sen. Leila will be completed when the sinister plot to put her in jail only for speaking out for the truth and welfare of our fellow Filipinos, is fully exposed in daylight.” – Sen. Risa Hntiveros

***

NOONG Biyernes, duman si Silvestre Bello III, hepe ng Manila Economic and Cultural Office (MECO), sa kanyang opisina sa Taipei upang magpaalam sa kanyang mga tauhan na pauwi siya sa Filipinas. Inabutan niya ang ilang mga OFW doon at binati. Inanyayahan niya na sumama sa kanyang pag-uwi sa bansa. Hindi niya malimutan ang tagpo sa opisina niya dahil siya mismo ay natatawa. “Sama na kayo sa akin sa Maynila,” aniya. “Kayo na lang, Sir,” ang sagot sa kanya.

Walang magaganap na giyera sa pagitan ng Tsina at Taiwan, ito ang deklarasyon ni Bebot Bello sa harap ng mga mamamahayag sa Saturday News Forum sa Dapo Resto sa Kyusi. “Walang tensyon,” aniya. Si Bello ang chief resident representative ng MECO sa Taipei. Nagsisilbing embahada ng bansa ang Meco sa Taiwan dahil walang opisyal na relasyon diplomatiko ang dalawang bansa. Kinikilala ng Filipinas “one-China” policy kung saan ang People’s Republic of China (ProC) ang tanging bansa sa kumakatawan sa mga mamamayang Intsik.

Lalawigan ang turing ng Tsina sa Taiwan na maaaring kamkamin anumang oras. Mayroon 89,000 Filipinos sa Taiwan at marami sa kanila ang nagtratrabaho sa iba’t ibang factory doon. Mayroon sapat na paghahanda ang gobyernong Taiwan para ilikas ang mga dayuhang manggagawa kung sakaling sumiklab ang giyera doon.

Isang tunog ng kanilang cell phone at alam ng mga OFW doon ang kanlang gagawin. Alam nila kung saan sila pupunta, ani Bello. Ginawa nilang pansamantalang kanlungan ang ilang factory doon, aniya. Parehong nagsasagawa ng military drill ng Tsina at Taiwan pero hanggang doon ang sila, aniya.

Ang Taiwan ang gumagawa ng semiconductors para sa buong mundo. Kapag inatake ng Tsina ang Taiwan, mawawala ang mga semiconductor na nagpapalipad ng kanilang eroplanong pandigma, ani Bello. Kaya walang giyera, aniya.

***

Email:bootsfra@yahoo.com