Advertisers
NASAWI ang magkapatid na babae at isang menor de edad na lalaki habang sugatan ang isa pa nang mahulog sa pangpang ang sinasakyan nilang trak sa Butuan city.
Kinilala ang mga nasawi na sina Alicia Alampayan-Pancho, 66 anyos; kapatid nitang si Develyn Alampayan, 52; at kasamang si Jemar Pancho, binatilyo, pawang residente ng Km. 10, Sitio Bagong Silang, Brgy. Tungao, Butuan City.
Ginagamot naman sa ospital ang driver ng Isuzu forward truck at kapatid nina Alampayan na si Carlito , 62.
Sa report ng Butuan City Police Station 5, 5:30 ng hapon nang maganap ang insidente sa Purok 3, Brgy. Tungao.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na patungo ng sentro ng lungsod ang mga biktima para ibenta ang kanilang mga panindang uling nang bigla umanong mawalan ng preno ang sasakyan at nagtuloy-tuloy itong mahulog sa pangpang.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima na agad naman dinala sa ospital subalit nalagutan ng hininga.