Advertisers
NAWALAN ng tirahan ang 12 pamilya nang wasakin ng naglalakihang alon dulot ng masamang panahon ang kanilang mga bahay sa Barangay 20, Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila nitong Linggo.
Kuwento ng residenteng si Dennis Nerbiol, naghahapunan sila nang naramdaman ang pagyanig ng kanilang bahay.
“Pagkausog niya, inayos ng mga bayaw ko ‘yung ilalim sa tukod. Nilagyan ng brace, hindi na po kinaya kaya bumigay lahat,” sabi ni Nerbiol.
Nababad sa tubig ang pundasyon ng kanilang barong-barong na gawa sa mahihinang klase ng kahoy.
Hinampas ng naglalakihang alon dulot ng masamang panahon ang nasa 11 bahay kung kaya’t nagiba ang mga ito, ayon kay Arnel Angeles ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).
“Yung mga bahay po kasi ay nakatayo sa breakwater, kalahati ng bahay nila. ‘Yung sa likuran, yari sa mga kawayan, mga poste o haligi na ginamit nila at ito po ay dugtong-dugtong. Kaya dumami po ang bahay na napinsala,” ani Angeles.
Tanging ang mga uniporme sa paaralan ng mga anak ni Cielo Abella ang kanilang naisalba dahil nasa labas sila ng bahay nang mangyari ang insidente.
Inilikas ng mga tauhan ng MDRRMO ang mga naapektuhang residente sa Delpan Evacuation Center.(Jocelyn Domenden)