Advertisers
POSITIBONG kinilala ng kanilang pamilya ang tatlong bangkay ng kasapi ng New People’s Army (NPA) na napatay sa engkwentro kabilang ang isang lider noong Setyembre 29 sa malalayong barangay sa bayan ng Leon.
Kinilala ni Lt. Colonel J-Jay Javines, hepe ng 3rd Infantry Division Public Affairs Office, ang mga nasawi na sina Azucena Churesca Rivera, kilala bilang Rebecca Alifaro o alyas Jing, ng Barangay Tinio-an, Cabatuan, Iloilo, secretary ng NPA Southern Front-Komiteng Rehiyon-Panay; at mga kasama nitong sina Jimmy Macuna at Gerly Tejeros.
Ayon sa panganay na anak ni Rivera, 1980 nang umanib ang kanyang ina sa NPA, at nahaharap sa kasong paglabag sa International Humanitarian Law, Anti-Terrorism Act of 2020, at attempted murder.
Habang si Macuna ay taga-Sibalom, Antique, at positibong kinilala ng kanyang tiyuhin; samantalang tubong-Iloilo si Tejeros na kinilala ng kanyang mga kaanak.
Sinabi ng militar na si Macuna ay platoon member, samantalang si Tejeros ay medical/education staff ng Komite.
Nakapagbigay na ng mga kaukulang dokumento ang mga pamilya ng tatlong nasawi at ibibigay na sa kanila ang labi ng mga ito kapag nakumpleto ang isinasagawang imbestigasyon.