Advertisers
Patay ang isang mangingisda nang tamaan ng kidlat habang nasa laot sa Naga city.
Ayon sa ulat, nasa laot sina Eddie Savilla at Rolando Pitogo Jr., noong Miyerkules , Nov. 29, 2023 ng madaling araw nang tumama ang kidlat.
Sa salaysay ni Savilla, nakita nila ang kidlat sa malayo hanggang sa isa na namang kidlat ang tila pumutok malapit sa kanila.
Ilang sandali pa’y kumidlat ulit at hindi na gumagalaw si Pitogo; tinamaan at binawian na ng buhay.
Nagkaroon ng sira ang bangka, habang lumulubog, itinatali ni Savilla sa bangka ang kasamahan upang hindi mawala sa karagatan. May dumaang bangka at na-rescue si Savilla pero maliit at delikado nang isakay pa si Pitogo ayon sa bangkero.
Umuwi sila upang humingi ng saklolo at kunin si Pitogo subali’t nang bumalik wala na sa lugar ang bangka kung saan nangyari. Apat na bangka ang unang nagtulong-tulong na hanapin pero bigo pa rin.
Sinabi ni Rommel Batanes ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, sa pinag-isang puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) Tambang Substation, MDRRM at mga volunteer pang mga residente sa Mapid natagpuan ang bangka at ang bangkay 3:00 na ng hapon sa karagatang sakop na ng bayan ng Siruma. Naiuwi na sa kanilang barangay ang bangkay ng biktima.
Pinag-iingat ni Batanes ang mga mangingisda.