Advertisers
NAGLABAS ng direktiba ang pamahalaan na naglalatag ng mga patakaran at regulasyon para sa Executive Order (EO) No. 32 na naglalayong mas mapadali ang proseso sa pagbibigay ng permit sa pagtatayo o konstruksyon ng mga telecommunication at internet infrastructure sa bansa.
Batay sa Joint Memorandum Circular No. 2023-01 na inisyu ng technical working group (TWG) na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, nakasaad ang Implementing Rules and Regulations (IRR) na ipatutupad upang gabayan ang lahat ng mga kinauukulang departamento at mga stakeholder sa implementasyon ng EO No. 32 na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo 4 ngayong taon.
Ayon sa IRR, iisang unified application form na lang ang gagamitin, kung saan ang mga preformatted na form ng building permit applications ay susundin ng lahat ng lungsod at bayan sa bansa.
Binanggit din dito ang mga patakaran para sa pagkuha ng clearances mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at binibigyang-diin ang pagsunod ng mga lokal na pamahalaan sa EO No. 32.
Maliban dito, iminamandato rin sa lahat ng lungsod na magtatag ng One-Stop Shop para sa Construction Permits at magbigay ng frontline services sa mga aplikante na kukuha ng building permits at iba pang sertipiko kaugnay ng telecommunications at internet infrastructure.
Samantala, sa ilalim pa rin ng IRR, ipinagbabawal ang mga anti-competitive na gawain kung saan inatasan din ang mga ahensya at LGUs na ipatupad ang zero-backlog policy sa lahat ng aplikasyon para sa mga permit at clearance na saklaw ng kautusan. (Gilbert Perdez)