Advertisers
SUGATAN ang isang sundalo nang barilin ng misis dahil sa hatian ng ari-arian matapos maghiwalay sa Alamada, North Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Sgt. John Harvey Utanes Oandasan, 36 anyos, nakatalaga sa 6th Field Artillery Battalion, 6th Infantry Division sa Awang, Maguindanao del Norte.
Dinakip naman ang misis nitong si Edna Miranda Oandasan, nasa hustong gulang, ng Purok 1, Barangay Guiling ng nasabing bayan.
Sa ulat, naganap ang insidente 8:00 ng gabi ng Linggo. Pinuntahan ng misis sa nasabing bahay ang dating mister nito para kausapin hinggil sa hatian ng ari-arian.
Humantong ang usapan sa mainitang pagtatalo hanggang sa makuha ng ginang ang baril ng sundalo at barilin ito sa katawan.
Napag-alaman na matagal nang hindi nagsasama ang mag-asawa kaya pinag-uusapan na nila ang hatian sa ari-arian.
Naaresto ang misis ng Alamada Municipal Police Station (MPS), at inihahanda na ang kasong frustrated parricide laban dito.