Advertisers
GINAHASA at pinatay ang isang dalagita sa Barangay Magsaysay, Cadiz City, Negros Occidental nitong weekend.
Itinago ang pangalan ng 17-anyos na biktima, isang senior high school student.
Sinabi ni Police Lt. Colonel John Joel Batusbatusan, hepe ng Cadiz Police, huling nakitang buhay ang biktima 7:00 ng gabi ng Enero 7.
Hinanap ang biktima ng kanyang pamilya nang hindi siya umuwi ng gabing iyon. At natagpuang bangkay ang biktima nang sumunod na araw ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay 7:00 ng umaga.
Sinabi ni Batusbatusan na tinaga ang kaliwang tenga ng biktima, nilaslas ang leeg, at tinadtad ang 10 daliri nito sa magkabilang kamay.
Narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng krimen ang isang bolo.
Sinabi ni Batusbatusan na hinalay ang biktima base sa medico-legal examination.
Tinukoy ng pulisya ang 62-anyos na lalaki na kasama sa bahay ng biktima bilang salarin sa krimen.
“Hindi sila magkadugo, pero nakatira sila sa iisang bubong,” sabi ni Batusbatusan.
Sinabi ni Batusbatusan na ama ng bagong manliligaw ng ina ng biktima ang salarin. Aniya, hindi na natagpuan ang salarin matapos ang insidente.