Advertisers
TUTULUYAN ng Department of Transportation (DOTr) ang 78 kolorum na sasakyan na nahuling bumibiyahe sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila simula Enero hanggang Pebrero 15, 2024.
Sinabi ni DOTr Command and Control Operation Center chief Charlie del Rosario, kakasuhan nila ang mga nahuli sa anti-colorum operations, at kapag napatunayang talagang kolorum ang mga ito ay pagmumultahin ng P200,000, bukod pa sa demerit points na maaaring ipataw sa driver ng sasakyan.
Karamihan sa mga nahuli ay mga pampasaherong van na walang kaukulang dokumento para mamasada.
Pero sinabi ng opisyal na dadaan pa sa adjudication ang reklamo at mayroong prosesong susundin sa Land Transportation Office.
Isa, aniya, sa batayan para matukoy kung kolorum ang isang sasakyan ay makikita sa rehistro nito kung ito ay pribado o pampasahero, pero kung may special permit puwede itong gamitin para magsakay ng mga pasahero.
Sa ilalim naman ng demerit points, sinabi ng opisyal na mayroong 40 points ang driver at times two ito kada huli kaya kapag apat na beses nahuli ay ubos na ang demerit points na mangangahulugang babawiin na ang lisensiya nito.