Advertisers
SINAGOT ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang viral video kung saan kinuha ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang kanyang wine glass sa pagtitipon ng Vin d’Honneur para sa 126 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Malacañang.
“I consider waiting on a lady (first or otherwise) to be gentlemanly,” wika ni Escudero sa isang pahayag.
“Maaaring sabihin ng iba na maka-luma o parang ‘under’ pero para sakin, hindi kailanman magiging maka-luma o di uso, ano man ang itawag ng iba, ang pagiging maginoo at pakikipag-kapwa tao,” saad pa niya.
Nakita rin sa video sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Speaker Martin Romualdez, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Executive Secretary Lucas Bersamin, at iba pa.
Hindi bababa sa 84 na mga diplomat at dignitaries ang dumalo sa naturang event.
Matatandaang nitong nakalipas na buwan, naluklok si Escudero bilang bagong lider ng Senado matapos lumagdag ang 15 senador na sumasang-ayon sa pagpalit ng liderato at patalsikin si dating Senate president Juan Miguel “Migz” Zubiri.
Inamin ni Escudero na siya ang nagsimula ng kudeta subalit itinangging may kinalaman si Pangulong Marcos hinggil sa pagsipa kay Zubiri sa puwesto.
Maging si House Speaker Martin Romualdez ay pinabulaanan din na may alam siya sa biglang pagpapalit ng liderato sa Senado. (Mylene Alfonso)