Advertisers
Ni CRIS A. IBON
KINUMPIRMA ni dating Senador Panfilo Lacson sa isang senate inquiry may ilang taon na ang nakararaan na ‘di kukulangin sa P48 billion taon-taon ang napapasakamay ng mga gambling lord sa halip na pakinabangan ito ng gobyerno, at sa halip na mabawasan ay lalo pang nadagdagan.
Sa isinagawang pagsisiyasat naman ng House Committee on Public Order and Safety may ilang buwan pa lamang ang nakararaan, natutukan ng mga ito ang talamak na Small Town Lottery (STL) bookies operation sa CALABARZON.
Ang Lipa City ay isa sa sentro ng ipinagbabawal na STL bookies at iba pang bayan sa lalawigan na dahilan ng pagkalusaw ng milyones na remittance para sa PCSO.
Kumpirmado ng grupo ng mga Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na lalo pang lumala at garapalan ang operasyon ng STL bookies hindi lamang sa Lipa City kundi maging sa siyudad ng Tanauan na sinasabayan pa ng pagbebenta ng shabu ng maraming kubrador at kabo ng sindikatong Lipa City “Big 4” at ng may 40 pang gambling con drug operators.
Ang “Big 4” ay binubuo nina alyas Ana Tomboy, Gary, Icaro, Kap Lescano, Kap Randy at Boy Recto. Kinilala din ang mga “alipores” ng mga ito na sina alyas Topher Taba, PJay, Tabo Mendoza, Lorenz, Lacorte, Kap August, Ka Carling, Maliwanag, Haji, Aiza, Kap Fernan, Kap Juanita, Kap Boyet, Kap Gonzales, Saavedra, Erros at iba pang gambling con drug maintainers.
Kumukubra ang naturang sindikato sa may 72 barangays ng siyudad ni Mayor Eric Africa ng higit sa P2.5 million na taya kada bola ng STL o higit sa P7.5m sa tatlong STL draws bawat araw.
May tatlong dekada namang nag-ooperate ng monte joint ang isang alyas Samson sa T.M. Kalaw Street, Brgy. 3, Lipa City, ngunit mistulang inutil sina Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal at Mayor Africa laban sa mga naturang gambling/drug operator.
May mga saklaan na front din ng bentahan ng shabu ang isang alyas Robert at pulis na alyas Lopez sa ibat ibang sulok ng nasabing siyudad.
Ang garapal at ‘di masugpong gambling con drug operations sa naturang lungsod ang naging matinding isyu noon laban kay dating Lipa City Mayor Meynard Sabili na nagpabagsak sa kanyang karera-politikal. Ipinangako namang lulutasin ito ni Africa nang ito ay bise-alkalde pa lamang.
“Pangakong napako” ang plataporma ni Africa kaya’t malamang na ‘di na ito tangkilikin ng mas nakararaming barangay leaders na kontra sa mga iligal.
Kung sa mga nakalipas na panahon ay iniuulat na may 35 STL con drug operators ang nag-ooperate sa 48 barangays sa Tanauan City at may kubransang higit din sa P7.5m sa tatlong bola kada araw, ngayon ay hihigit pa sa 50 indibidwal, karamihan ay barangay officials ang gambling operators na sangkot sa kalakalan ng droga ang kumikilos sa siyudad ni Mayor Sonny Collantes, ayon sa MKKB.
Ilan lamang sa mga gambling con drug operator sa siyudad ni Mayor Collantes ay sina Ocampo, Dimapilis, Ablao, Montilla, Anghel, Lawin, Kon.Burgos, Rodel, Gerry, Ms. Bagsic, Cristy, Anabel, Lilian at iba pa na pawang pinagmamalaking kaalyado sa pulitika ng alkalde.
Bukod sa pagiging bookies maintainer, si Ocampo ay isa ding police tong collector na siyang nagmamalaking go-between ng drug gambling operators sa tanggapan ng pulisya sa Tanauan City, PNP Provincial Police Office, PNP Region 4A, at sa tanggapan ni PNP Chief Rommel Francisco Marbil.
Ang drug pusher na si Ocampo din ang nagpapatakbo ng mga sakla joint sa mga barangay ng Bagbag, Altura, Pantay na Bata, Ulango, Balele at maging sa Poblacion, kasosyo sina alyas Baduy, Dimapilis at Ablao.
Sa mga bayan ng Lemery at San Luis ay may police bodyguards ang gambling/drug maintainer na si alyas Ricalde, na nagyayabang na kapanalig nina Lemery Mayor Ian Kenneth Alilio at San Luis Mayor Oscarlito Hernandez.
May kubransang higit pa sa P2.5m araw-araw sa dalawang nabanggit na bayan sa tatlong bola ng STL bookies kada araw. Maliban sa Lemery at San Luis ay nagpapatakbo din si Ricalde ng ilegal na sugal at bentahan ng shabu sa mga lalawigan ng Laguna at Quezon.
Ang ambisyoso at talunang kongresista naman na si alyas Mr. Mike Romantiko ang operator ng STL bookies at mga saklaan sa bayan ng Padre Garcia. Tagaposte nito sa kanyang mga saklaan at rebisahan ng STL bookies ang kanyang bilas na si alyas Nonit, Jeff at ang katropang kristo sa mga tupadahan.
Ang kita sa illegal gambling ang gagamiting election fund ni Mr. Mike Romantiko sa kanyang pagkampanya bilang Batangas Governor sa May 2025 election.
Sa bayan ng Malvar ay sina Raffy, Nestor, Janog at Lito ang STL bookies maintainners, habang isang Glenda na nagpapakilalang kumare ni Malvar Mayor Crestita Reyes ang nag-o-operate ng permanenteng sugalan o “puesto pijo” na may shabuhan at prostitution den sa Brgy. Santiago sa naturan ding bayan.
Sa karatig na bayan ng Balete ay si alyas Ocampo din ng Tanauan City ang nagpapatakbo ng STL con drug operation, kasosyo ang mga municipal government employee na sina alyas Deo at Jeff.
Idagdag pa ang talamak na operasyon ng STL bookies sa mga bayan ng Agoncillo, San Nicolas, Calatagan, Sta. Teresita, Ibaan, Mabini, Lobo, Talisay, Tuy at Tingloy upang ang lalawigan ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ay mabansagan na bagong sentro ng ilegal na pasugalan?, ayon pa sa MKKB.