Advertisers
SINABI ni dating Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Bernie Cruz na wala siyang intension na maupo bilang party representative ng Magsasaka Party list o maging nominado nito taliwas sa lumabas sa ilang pahayagan.
Ayon kay Cruz wala siyang balak maging party representative nito (Magsasaka Party list) dahil ang tanging hangarin lamang nya sa kasalukuyan ay makatulong sa sektor ng mga magsasaka.
Sa interbyu kay Cruz dating DAR Secretary at PCA Administrator sinabi nito na kahit wala umano siya sa puwesto sa kasalukuyan ang mahalaga sa kanya ay matulungan ang mga magsasaka na mai-angat ang kabuhayan nito na matagal na panahon nyang pinagsilbihan kahit noong student leader activist pa siya sa Kolehiyo.
“Ang mahalaga sa akin sa ngayon ay matulungan ang mga magsasaka upang matiyak natin ang food security sa bansa” ayon pa kay Cruz.
Ginawa ni Cruz ang pahayag makaraang maiulat sa ilang pahayagan na posibleng umanong makaupo ang mga naglingkod na gabinete ni dating Pangulong Rodrigo Duterte (kabilang si dating Sec. Bernie Cruz) bilang party list representative kapag hindi maiayos ang gusot sa loob ng Magsasaka party list dahil sa agawan sa liderato ng lider nito.
Nauna dito magugunitang dalawang taon na ang nakaraan nagsimula ang isang internal dispute sa Magsasaka Party list noong taong 2022 na pinangungunahan ng grupo ni Atty. Argel Cabatbat at Soliman Villamin Jr. na nagtunggali para sa National Chairperson ng naturang grupo.
Nilinaw din ni Cruz na kahit kailan ay hindi umano siya nasangkot sa katiwalian at hindi nagkaroon ng ano mang kaso na may kaugnayan dito.
“Hindi ako nasangkot sa ano mang kaso ng katiwalian” paliwanag pa ni Cruz.
Sinabi pa ng dating DAR Secretary na makakamit lamang ang pag-unlad ng sektor ng agrikulutura kung magkakaisa ang mga lider ng mga magsasaka.(Boy Celario)