Advertisers

Advertisers

Pondo ng mga sports programs ng PSC dapat itaas – Rep. Magsino!

0 21

Advertisers

Sa ginanap na budget deliberation para sa Philippine Sports Commission (PSC), ipinanawagan ni OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino ang pangangailangang dagdagan ang pondo ng National Sports Development Fund (NSDF) matapos ang pagwawagi ng mga Pinoy na atleta sa nakaraang Paris Olympics 2024 partikular si two times Gold Medalist Carlos Yulo.

Sinabi ni Rep. Magsino na ayon sa Budget of Expenditures and Sources of Funds (BESF) para sa 2025, ang National Sports Development Fund, mula sa kita ng PSC sa pagrenta ng sports facilities, shares mula sa PAGCOR, PCSO, at iba pang pinagkakakitaan, ay may balanse noong Disyembre 31, 2023 na P2.312 bilyon.

Nakalaan ito para sa pagpapaunlad ng pambansang sports, kasama ang Sports Science at Sports Medicine Program, training ng mga atleta at coaches, pagsasaayos ng training venues, pagbabayad ng cash incentives at retirement benefits, at suporta sa mga National Sports Associations (NSAs).



Ipinunto ni Rep. Magsino na sa kabila ng malaking balanse ng NSDF, napakababa ng appropriated funds —P29.82 milyon lamang para sa 2024, at P6 milyon para sa Sports Science at Sports Development. Parehong halaga rin ang inilaan para sa 2025. Hinimok niya na itaas ang appropriations para sa PSC sa mga susunod na taon upang mapalawak ang suporta sa sports development sa bansa gayung malaki naman ang balanse ng pondo.

“Kung maaari sana ay lakihan pa ang appropriated na amount for 2025 at sa mga susunod na taon mula sa National Sports Development Fund na napakalaki naman ng balanse at maaaring madagdagan pa taon-taon, para naman mas higit pang makapag-deliver ng serbisyo at assistance ang PSC sa ikakaunlad ng sports sa ating bansa.”, ani ni Rep. Magsino.



Sinabi din ni Rep. Magsino na patuloy ang naging pagbaba ng pondo ng PSC, mula P2.27 bilyon noong 2023, naging P1.15 bilyon ngayong 2024, at P725.75 milyon na lamang para sa 2025. Sa pondong ito, P158.24 milyon lamang ang para sa Amateur Sports Development at P69.62 milyon para sa Grassroots Program.

“Nakita natin kung gaano tayo pinabilib ng mga atleta sa Paris Olympics 2024, hindi lamang sa kanilang husay at talento, kundi sa karangalang ibinigay nila sa bansa. Double gold ang hinatid sa atin ni Carlos Yulo at nakakuha din tayo ng dalawang bronze sa boxing, giving us a good standing in the recently concluded Paris Olympics.



Ang tagumpay ng ating mga atleta ay tagumpay ng buong bansa, kaya mahalaga na palakasin at pagandahin ang kanilang programa at pasilidad para sa kanilang training at pag-unlad, upang masigurong magpapatuloy ang mga ganitong tagumpay sa hinaharap.” ani pa ng Lady Solon.

Nanawagan din si Rep. Magsino na bigyan ng sapat na pondo ang kabuuan ng Philippine Sports Commission upang mas maging epektibo ang kanilang mga programa at mas lalong maiangat ang sports sa bansa.

“Nakita natin ang pride sa ating mga mamamayan at sa ating bansa na hatid ng tagumpay ng ating mga atleta sa mga nakalipas na international sports competitions.

Mga tagumpay na gusto nating ma-sustain sa hinaharap para manatiling source ng inspirasyon sa marami nating promising na mga atleta, at patuloy na maglalagay sa ating bansa sa entablado ng pandaigdigang palakasan. Para maabot ang mga layuning ito, sinusuportahan ko hindi lamang ang proposed budget ng PSC para sa 2025, kundi pati na kung ito ay madagdagan pa hangga’t maaari. Hinihiling ko rin ang suporta ng ating mga kapwa mambabatas sa panawagang nito.” pagtatapos ni Rep. Magsino. (Cesar Barquilla)