Advertisers
WALA munang papangalanan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mga taong posibleng sangkot sa iregularidad sa mga flood control projects hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, hindi gagamit ng pagbabanta o maglalabas ng hindi beripikadong impormasyon ang Pangulo kaugnay sa mga anomalya.
Sinabi ni Castro na ang naunang pahayag ni PBBM ay magsilbing babala upang masiguro ang pagiging maayos at tapat ng paggugol sa national budget para sa 2026.
Ginawa ni Castro ang paglilinaw kasunod ng panawagang pangalanan na ang mga umano’y sangkot sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Matatandaan na sa kanyang ika-apat na SONA, inatasan ni Pangulong Marcos ang DPWH na magsumite ng listahan ng lahat ng flood control projects at tukuyin kung alin ang bigo, hindi natapos, o ‘ghost project’.
Giit ni Castro, seryoso ang Pangulo sa panawagang managot ang mga gumamit ng pondo sa maling paraan at handang magsampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang may sala. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)