COMELEC, ITINAAS SA 1.5M ANG TARGET REGISTRANTS
Advertisers
INIHAYAG ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na kanilang itinaas sa 1.5 milyon ang mga registrants na target nilang mairehistro para sa 2025 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), matapos na maabot na nila ang inisyal na target na isang milyong registrants sa loob lamang ng limang araw.
Sinabi ni Garcia na hanggang Agosto 5 lamang ay umabot na sa mahigit isang milyon ang bilang ng mga voter applications na natanggap nila para sa 2025 BSKE.
“Base sa estimate natin, halos mahigit na tayong isang milyon after five days ng registration. Ito na ang pinakamadami sa panahon sa kasaysayan ng Comelec, kasaysayan ng elections sa bansa. Nagtataka kami pero kami ay natutuwa dahil biro ninyo sa napakaigsingpanahon, mahigit isang milyon,” ani Garcia.
Tiwala umano si Garcia na makakapagtala pa sila ng mula 300,000 hanggang 500,000 na bagong registrants sa natitira pang araw ng pagpaparehistro.
“Inaasahan natin sa mga naitira pa na mga limang araw pa na mas dadami pa. Siguro, aabutin tayo ng 1.3 million hanggang 1.5 million new registrants sa sampung araw lang na ‘yan,” dagdag ni Garcia.
Sinimulan ng Comelec ang voter registration para sa 2025 BSKE noong Agosto 1 at magtatagal hanggang sa Agosto 10 at kasabay nito, nagdaraos rin sila ng Special Registration Anywhere Program (SRAP) sa Metro Manila na magtatagal lamang hanggang Agosto 7.
Ayon sa Comelec, wala umano itong planong palawigin ang 10-araw na voter registration ngunit maaaring magdaos sila ng panibagong voter registration mula ikatlong linggo ng Oktubre, 2025 hanggang sa Hulyo 2026 kung matutuloy na maisabatas ang panukalang nagpapaliban ng December 1, 2025BSKE sa Nobyembre 2026. (JERRY S. TAN)