Advertisers
IBINUKING ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson ang bagong modus operandi na kinasasangkutan ng lawmaker-contractors, na maaaring nakadagdag sa overpricing at substandard na paggawa ng flood control at ibang infrastructure projects.
Ayon kay Lacson, sa ilalim ng “passing through” scheme, pwersadong magbayad ang contractor ng lima hanggang 6 percent ng project cost kapag gagawa ng proyekto sa distrito kung saan contractor ang mambabatas o kamaganak niya.
“Halimbawa ang hari sa distrito ay ang congressman na at the same time contractor o kamaganak na contractor. Pag may contractor na papasok doon, magbabayad ng 5% passing through, parang toll.
Bawas na kaagad yan sa cost ng proyekto. Alam na alam sa Department of Public Works and Highways ito,” aniya sa panayam sa DZBB nitong Linggo.
“May passing-through fee na 5% minsan nagiging 6% pa raw. Pag compute natin lahat lahat, base sa mga info na gathered namin from contractors kasi vina-validate namin from other contractors na nagde-deal sa DPWH, ang computation pag dineduct mo lahat na fees at commission at kung anu-ano pa, kawawa talaga ang proyekto,” dagdag niya. “Saan kukunin ng contractor kundi mag-substandard or shortcut niya? Shortchanged niya ang gobyerno.”
Nang tinanong kung magkano na lang ang matitira para sa proyekto matapos bayaran ang “passing through” fee, komisyon at ibang buwis, tugon ni Lacson: “sometimes, wala pang 40 percent.”
Isa sa mga halimbawa ng “shortcut’ na binanggit ni Lacson ay ang paggawa ng 50 metro ng dike o flood control mitigation project, sa halip na 150 metro na ayon sa project specification.
May ibang kaso rin aniya kung saan sa halip na anim na metro ang pagbaon ng sheet piles ay tatlong metro lang ang pagbaon. “Gigiba ang dike kasi kulang ang baon kasi tinitipid ang materyales ‘di nakikita yan kasi nakabaon,” ani Lacson.
Ang isa pang halimbawa ay ang hindi paghalo ng graba at buhangin sa pundasyon ng flood control project. “Pag nagbagyo at overflow ang river ang daling gibain noon kasi mahina ang hold ng foundation, walang graba,” aniya.
Dagdag ni Lacson, dahil sa mga fee na pinapabayad sa contractor, bumaba ang kanilang kita mula 15 porsyento sa 10 porsyento.
Samantala, nais ni Lacson na makita ang listahan ng DPWH ng flood control projects na isinumite nito sa Malacanang – at makita rin kung mapaparusahan ang mambabatas na contractor kung may sapat na katibayan. “Talaga bang ang kontratistang congressmen mafile-an ba ng kaso, mapaparusahan?” aniya.
Ibinunyag din ni Lacson na may mga kongresistang tumawag sa kanya matapos lumabas ang ulat na may listahan siya ng 67 mambabatas na contractor. Nilinaw ni Lacson na nagtanong lamang siya sa kaibigan noong 2022 kung ilang kongresista ang contractor. (Mylene Alfonso)