Advertisers
Ni Archie Liao
NAGKUWENTO ang young singer na si Maki hinggil sa verbal sexual harassment incident na naranasan niya noong nagsisimula pa lang siya sa industriya.
Aniya, nag-audition daw siya noon sa isang studio sa edad na 15.
Hirit pa niya, hindi rin daw aware ang mga magulang niya tungkol sa nasabing pangyayari na naganap behind closed doors.
“I wanted to surprise them na nag-audition ako sa isang lugar po. Sobra po akong full of passion, full of dreams. I auditioned. I did everything — acting, dancing, singing — in front of one person. Tapos ni-lock niya ‘yung pinto,”pagbabalik-tanaw niya. “Ayaw ko na po mag-dive into details pero nag-audition po ako to become an artist. After the audition, tinanong niya po ako ng mga (sexually-charged) questions na medyo hindi po siya mga pambata. First time ko pong matanong ng mga ganoong bagay. Sa industry na ito, hindi ko po siya alam kung paano sagutin,” dugtong niya.
Prangka namang tinanong siya ni Boy Abunda kung feeling ng aktor ay nakaranas siya ng sexual harassment in the form of verbal abuse.
Walang kagatul-gatol naman na sinabi ni Maki na na-violate ang kanyang pagkatao.
“Hindi ko na rin po alam kung ano ‘yung mga sinabi ko. Sabi po kasi niya, ‘Kailangang alam namin ang mga bagay na ito kasi dapat kilala ka namin as an artist.’ So ako po naniwala po ako at kung anu-ano po ang sinabi ko na mga bagay… na first time ko po. Na-expose ako. Mahiyain po kasi akong bata, eh,”lahad niya. “I felt that I was really really exposed,”pahabol niya.
Pag-uusisa naman ng King of Talk kay Maki: “Was it close to ‘Pumayag ka lang na gawin ang bagay na ito or maging lover ko or boyfriend ko at pasisikatin kita at 15’? Was he doing that?”
“Malapit na po,” tugon ng singer.
Sey naman ni Maki, nagtungo raw siya sa comfort room at tumalilis na umiyak pagkatapos.
“Umalis na lang po ako. Sabi ko po, magsi-CR ako. Hindi na po ako bumalik tapos nag-jeep po ako pauwi tapos umiiyak po ako sa jeep. Hindi ko po alam kung anong ginawa sa’kin. I was thinking about my dream. ‘Yun lang po ang nasa isip ko. Pumunta po ako ng kuwarto na ‘yun for my dream,” pagbabahagi niya.
Muli naman siyang inusisa ng Fast Talk host na “Naabuso ka?”
“Opo. Hindi po ako umiyak sa ginawa niya. Umiyak po ako kasi akala ko po hindi para sa akin ‘tong industry. Maybe it’s too harsh for me or maybe I’m not ready yet for this dream. If my dream is too big baka I’m not big enough to achieve it.”
Gayunpaman, nilinaw naman niya na hindi raw siya pisikal na hinawakan ng nasabing auditioner pero na-trauma siya sa kanyang naging karanasan.