Advertisers
Lutas sa loob ng dalawang araw ang pagpaslang sa isang negosyante sa loob ng kanyang laundry shop sa Barangay Bagbag, Novaliches, Quezon City nitong Setyembre 1 nang maaresto ang salarin na isang TNVS rider sa isinagawang follow-up operation ng Quezon City Police District (QCPD).
Sa ulat kay QCPD Acting District Director, P/Col. Randy Glenn Silvio, ang suspek na si alyas “Mike Joey”, 43, isang Move It rider, at residente ng Brgy. Baesa, Quezon City, ay nadakip bandang 10:03 ng umaga nitong Miyerkules (September 3) sa Sitio Pajo Market, Brgy. Baesa sa lungsod.
Sa imbestigasyon, ang suspek, na nakasuot ng itim na kapote at pulang helmet na “Move It”, ay pumasok sa tindahan ng biktima bandang 8:59 ng umaga noong Lunes (September 1) at binaril ito ng maraming beses saka hinablot ang suot na gintong kwintas ng biktima na nagkakahalaga ng P145,000 saka tumakas sakay ng pulang Honda Click motorcycle patungo sa Quirino Highway.
Nakita sa CCTV footage ang suspek sa Sabina Market, kung saan dinala umano nito ang ninakaw na kwintas sa isang panday ng ginto para ayusin.
Nakilala pa siya sa pamamagitan ng kanyang getaway motorcycle na may plate number na 134USF, at naberipika sa Land Transportation Office (LTO) na nakarehistro sa kanyang asawa.
Kalaunan ay isinuko ng kanyang asawa ang mga ebidensya, kabilang ang pulang Honda Click na motorsiklo, tampered plate number, itim na kapote, pulang helmet, sandals, at isa pang helmet na ginamit sa krimen.
Inihahanda na ang kasong Robbery with Homicide at paglabag sa R.A. 11235 o ang Motorcycle Crime Prevention Act sa Quezon City Prosecutor’s Office laban sa Move It rider. (Almar Danguilan)