Advertisers
KINUMPISKA ng Bureau of Customs (BOC) ang 13 luxury cars ng mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya, at target itong i-auction na aabot sa P220 milyon.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, naglabas sila ng Warrant of Seizure and Detention matapos matukoy ang mga paglabag sa customs laws. Pitong sasakyan ang walang import entry o certificate of payment, habang anim may kuwestiyonableng dokumento.
Nabatid sa BOC na ang mga nasabing luxury vehicles ay dinala sa kanilang kustodiya bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na panagutin ang mga lumalabag at pangalagaan ang mga kita ng gobyerno.
Ayon sa BOC, ang mga sasakyang ito ay kabilang sa mga paksa ng patuloy na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng maanomalyang mga proyekto sa pagkontrol sa baha.
Matatandaan na noong Setyembre ay nagsagawa ng search operation ang BOC sa lugar ng St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corp. sa Pasig City na pag-aari ng Discaya, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng 30 sasakyan.
Binigyan ng 15 araw ang pamilya Discaya para magpakita ng tamang papeles; kung hindi, mapupunta sa gobyerno ang mga sasakyan at isasailalim sa auction.
Kabilang sa mga nakum-piska ang Rolls-Royce Cullinan, Bentley Bentayga, Mercedes-Benz SUVs, Lincoln Navigators, at Cadillac Escalades. (J. Domenden)