Advertisers
MAHIGIT-KUMULANG sa P6.8 bilyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Philippine National Police (PNP) sa operasyon sa isang pribadong pag-aari sa Barangay Laois, Labrador, Pangasinan gabi ng Oktubre 3, 2025.
Ayon kay PDEA Chief, Isagani Nerez, nasa 901 pakete ng shabu ang nadiskubre sa dalawang sasakyan na nakaparada sa loob ng residential house sa nasabing barangay. Walang indibidwal na nahuli sa operasyon.
Ayon sa PDEA, ang operasyon ay kasunod ng nahuling dalawang indibidwal, isang Chinese national at isang Pilipino, sa buy-bust operation na isinagawa ng PDEA noong Oktubre 2, 2025 sa bayan ng Bugallon.
Sinabi ni Nerez, iniimbestigahan nila ngayon ang posibleng pagkakaroon ng laboratoryo ng iligal na droga sa lalawigan at matukoy ang mga sangkot dito.
Aniya, ang mga nasamsam na shabu ay posibleng dadalhin sa Metro Manila.