Advertisers
INARESTO ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit (BI-FSU) sa pamumuno ni Rendel Ryan Sy ang dalawang high-profile Korean fugitives na nasa likod ng illegal online gambling operations sa buong Asya.
Ang pag-aresto ay alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.’ na arestuhin at i-deport ang mga dayuhang pugante na nagtatago sa bansa.
Kinilala ng BI ang unang suspek na si Seo Hyemi, 38, at naaresto sa Ayala Avenue, Makati City noong November 6.
Ayon sa Korean authorities, si Seo ay senior operational mastermind na nasa likod ng 23 online gambling platforms, kabilang ang websites na nag-aalok ng sports betting at casino-style games tulad ng baccarat at Powerball.
Si Seo ay wanted at subject ng Interpol Red Notice na ipinalabas noong May 2025, matapos na maglabas ng arrest warrant ang Incheon District Court dahil sa paglabag ng South Korea’s National Sports Promotion Act, kabilang na ang pag-o-operate ng walang lisensyang gambling websites at laundering proceeds.
Ayon kay FSU chief Sy sinasabi aniya sa ulat na si Seo ang namamahala sa recruitment, nagma-managed ng accounts ng players at nagpo-promote ng websites na tinatangkilik ng libo-libong mananaya.
Si Seo ay dumating sa Pilipinas noong September 2021 bilang temporary visitor pero overstaying na. Siya ay kabilang sa parehong blacklist at watchlist order ng BI
Samantala sa pangalawang operation nang sumunod na araw, ang mga ahente ng FSU sa pakikipagtulungan ng Korean authorities at PNP Intelligence Group, ay naaresto si Park Unbae, 48, sa Teodoro Evangelista Street, Parañaque City.
Nabatid kay Sy na si Park ay wanted sa Busan District Court at Eujeongbu District Court sa pagtatayo ng illegal gambling operations at paglabag sa National Sports Promotion Act of South Korea. Isang Interpol Red Notice ang ipinalabas laban sa kanya noong August 2025.
Si Park at mga kasabwat ay nag-o-operate ng website kung saan pinapayagan ang mga users na tumaya sa global sporting events, nag-aalok din ito ng daan-daang games at nagpoproseso ng mga panalo at kabayaran.
Si Park ay dumating sa bansa noong March 31, 2023, at isa ng overstaying. Kasama din siya sa blacklist at watchlist order ng BI.
Ang parehong pugante ay dinala sa Warden Facility ng BI sa Bicutan, Taguig City para sa booking, documentation, at verification, habang naghihintay ng kanilang deportation. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)