Kahandaan sa kalamidad, pondo ng LGUs didiinan ng DBM sa pagbukas ng plenary debates sa Senado ng 2026 GA bill
Advertisers
IGIGIIT ng Department of Budget and Management ang panindigan nitong palakasin ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna sa pag-umpisa ngayong linggo ng Senate plenary deliberations para sa P6.793 trilyong 2026 General Appropriations Bill.
Sa mga unang yugto ng pagtalakay, lumitaw na pangunahing prayoridad ang alokasyon ng pondo para sa mga lokal na pamahalaan at mga programang may kaugnayan sa disaster response, na sumasalamin sa pagtutok ng administrasyong Marcos sa pagpapalakas ng mga komunidad at mabilis na pagbangon mula sa mga kalamidad.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakatuon pa rin ang DBM sa pagpapaigting ng fiscal discipline at epektibong paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa antas ng lokal na pamahalaan, upang matiyak na ang mga proyekto ay naipapatupad nang ganap at tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.
“Kailangang mapabuti natin ang paggamit ng budget ng pamahalaan, kabilang na at higit sa lahat sa mga local government units,” ayon kay Pangandaman.
Dagdag pa niya: “Ang pinakamahalaga sa lahat, lalo na para sa mga implementing agencies, ay masigurong naisasagawa ang bawat proyekto.”
Kabilang sa mga tinutukan sa deliberasyon ang mga pangunahing pondo sa ilalim ng Local Government Support Fund, special shares ng LGUs sa national tax proceeds at fire-code fees, death benefits ng mga opisyal ng barangay, gayundin ang mga badyet para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Contingent Fund, Miscellaneous Personnel Benefits Fund, National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF), Pension and Gratuity Fund, at Unprogrammed Appropriations.
Layunin ng mga pondong ito na patatagin ang kakayahan ng mga LGU sa pagpapaunlad ng imprastruktura, kahandaan sa sakuna, at paghahatid ng serbisyong panlipunan – lalo na sa mga lalawigang matinding naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Pagtuon sa katatagan matapos ang sunod-sunod na bagyo
Ang pagtutok ng DBM sa disaster funds ay kasunod ng magkakasunod na bagyong tumama sa iba’t ibang rehiyon ngayong taon.
Ang Bagyong Tino na nanalasa sa Visayas at hilagang Palawan ay nakaapekto sa halos 2 milyong Pilipino, at nag-obliga sa mahigit 40,000 pamilya sa Cebu na lumikas dahil sa malawakang pagbaha.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot sa 188 ang nasawi dahil sa bagyo.
Pagkaraan nito ay nanalasa naman ang Super Typhoon Uwan sa mga silangan at hilagang lalawigan, na nagpalikas sa 1.4 milyong residente at nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa halos 3 milyong kabahayan, batay sa ulat ng Philippine News Agency.
Dahil dito, nanawagan ang mga mambabatas ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga pambansang ahensya at LGUs upang matiyak na mabilis na nailalabas at nagagamit nang tama ang mga pondo para sa disaster response at lokal na imprastruktura, at maiwasan ang pagkaantala ng tulong at rehabilitasyon dahil sa burukrasya.
Kapwa mga senador mula sa mayorya at minorya ang nanawagan ng higit na transparency at accountability sa paggastos ng pondo, lalo na yaong ipinapadaan sa mga lokal na pamahalaan.
Inaasahang magpapatuloy sa mga darating na linggo ang plenary deliberations sa 2026 GAB habang sinisiyasat ng Senado ang mga badyet ng bawat sektor at inuuna ang mga prayoridad ng pamahalaan bago ito tuluyang aprubahan. ###