Advertisers
Nasabat ng mga kapulisan ng Diadi ang nasa 2,400 board feet ng ilegally transported na kahoy na nagkakahalaga ng P120,000.00, kasabay ng pag-aresto sa apat na suspek sa isang anti-criminality checkpoint sa Brgy. Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya kamakailan lamang.
Pinara ng tauhan ng 2nd Mobile Force Platoon (MFP) ng 1st Nueva Vizcaya Provincial Mobile Force Company (NVPMFC), ang dalawang kahina-hinalang sasakyan na patungo sana ng Norte. Isang Isuzu Elf aluminum van na minamaneho ni alyas IPE, 44 taong gulang, may asawa, residente ng, Taytay, Rizal; at isang Isuzu Aluminum close van na minamaneho ni GELO, 24 taong gulang, binata, drayber at residente ng Brgy. Dalig, City of Antipolo, kasama ang mga helper na sina alyas YAEL, 22 taong gulang, at alyas LIRA, 23 taong gulang, parehong residente ng Antipolo City, Rizal.
Batay sa report, sinabi ng mga drayber na sila ay may mga dalang “Scrap Wood Poles” at nagpakita ng photocopy ng isang Store Transaction Receipt. Gayunpaman, nang kusang-loob nilang buksan ang mga pintuan sa likod ng kani-kanilang sasakyan ay natuklasan ng mga kapulisan ang kabuuang 58 pinutol na kahoy na poste, na sinasabing mga bahagi ng mga poste ng kuryente, at may humigit-kumulang 14 na talampakan ang haba at may iba’t ibang laki.
Wala namang maipakitang anumang dokumento o permit ang apat na suspek dahilan ng kanilang agarang pagka aresto. Nakipag-ugnayan na sa Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) sa Bayombong, Nueva Vizcaya ang mga kapulisan para sa tamang disposisyon at pangangalaga ng nakumpiskang kahoy.
Ani PCOL PAUL T BOMETIVO, Acting Provoncial Director ng NVPPO, Ang matagumpay na operasyon na ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng NVPPO sa pagpapatupad ng mga batas pangkapaligiran at paglaban sa mga iligal na aktibidad sa pagtotroso sa probinsya.(Fidel Coloma)