Advertisers
Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Abu Dhabi Sustainability Week (ADSW) ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act na aniya’y nagtatakda ng komprehensibong framework para sa ligtas at mapayapang paggamit ng nuclear technology.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni PBBM na magbibigay ito ng matatag na kapaligiran para sa inobasyon at mas malalim na ugnayang siyentipiko sa mga pandaigdigang partners.
Binanggit din ni Pangulong Marcos ang aktibong papel ng Pilipinas sa science-based solutions, kabilang ang pagho-host ng kauna-unahang IAEA High-Level Forum on Nuclear Technology for Controlling Plastic Pollution.
Ipinunto rin ng Pangulo ang pakikilahok ng bansa sa IRENA Assembly bilang patunay ng seryosong adbokasiya sa malinis at sustainable energy.
Samantala, kinilala naman ng Pangulo ang matibay na partnership ng Pilipinas at UAE, partikular ang kasunduang naglalaan ng hanggang 10 gigawatts na renewable energy projects na suportado ng humigit-kumulang US$15 bilyong puhunan mula sa Masdar.
Aniya, inaasahang magdudulot ito ng mas matatag na energy security, green jobs, at mas mabilis na technology transfer. (Gilbert Perdez)