Advertisers

Advertisers

Majority at Minority ng Senado, nagkaisa sa pagtulak ng proactive crisis panel

0 8

Advertisers

Nagkaisa ang Senado nitong Miyerkules para agarang aprubahan ang isang resolusyon na magtatatag ng isang ad hoc committee na tututok sa mas maagap na pagtugon sa mga krisis.
Inaprubahan ang Senate Resolution No. 350 na inakda nina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, at Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ipinakita nito ang sabayang aksyon ng Senado sa gitna ng tumitinding banta sa loob at labas ng bansa.
Nagpahayag naman ng buong suporta ang ilang senador at binigyang diin ang kahalagahan ng maagap na aksyon kaysa mahuli na ang lahat.
Ilan sa kanila ang nagsabing napapanahon ang hakbang, lalo na sa epekto ng tensyon sa Middle East na maaaring makaapekto sa supply ng langis, trabaho, at presyo ng bilihin.
Tinawag ng mga miyembro ng Minority Bloc, kabilang si Senator Rodante Marcoleta, ang resolusyon bilang “timely and necessary measure” na nakatuon sa kahandaan ng bansa.
Nagpasalamat naman si Senator Joel Villanueva sa mga may-akda ng resolusyon at sinabing “very timely and important” ang inisyatiba.
Binigyang diin ni Senator Robinhood Padilla ang pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, habang iginiit naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng maagap na pagkilos.
Sa ilalim ng resolusyon, bubuo ang Senado ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy o PROTECT, isang ad hoc body na binubuo ng mga chairperson ng lahat ng Senate committees, kabilang ang mga humahawak sa agrikultura, enerhiya, at trade.
Inatasan ang panel na tumulong sa pagbuo ng isang comprehensive national contingency plan.
Ayon kay Cayetano, layunin ng hakbang na palakasin ang koordinasyon ng national agencies, local government units, at pribadong sektor, habang mananatili sa Executive branch ang implementasyon ng mga programa.
Nakabatay ang resolusyon sa naunang panawagan sa Executive na maglatag ng national contingency framework sa gitna ng tumitinding tensyon sa ibang bansa.
Inaasahan na magsasagawa ng mga pagdinig ang ad hoc committee, kukuha ng input mula sa iba’t ibang sektor, at maghahain ng rekomendasyon sa Executive branch para mas maging handa ang bansa sa mga susunod na krisis.