Advertisers
NADISKUBRE at binunot at sinunog ng mga awtoridad ang P20 milyong halaga ng marijuana na nakatanim sa isang plantasyon sa Sitio Gunot, Kimbotan, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Pinangunahan ni Major Anthony Ayungo, hepe ng Dupax del Sur Police Station, katuwang ang 2nd PMFC sa ilalim ni Major Randy Velarde, kabilang ang Provincial Intelligence Unit at Provincial Drug Enforcement Group, ang pagwasak sa naturang mga damo.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang pulisya ukol sa plantasyon ng marijuana sa nasabing lugar. Nang mapatunayang may mga tanim ng ipinagbabawal na droga roon, agad itong sinalakay ng mga awtoridad.
Nasa 10,311 puno ng marijuana ang binunot na tinatayang nasa P20 milyon ang halaga sa 1,200 square meter na taniman. Ang iba ay malalaki na at malapit nang anihin at namumulaklak na, habang ang iba ay nasa iba’t ibang laki.
Ayon kay Ayungo, sadyang itinanim ang mga ito dahil may land preparation para tamnan ng marijuana. Medyo malayo ang lugar, halos mahigit isang oras ang lakaran.
Wala namang naabutang tao sa lugar. (Rey Velasco)