Advertisers
Ni Anne Venancio
Aminado si Glaiza De Castro na nagulat siya sa mga pasabog na eksena ng kanyang karakter na si Pirena sa “Encantadia Chronicles: Sang’gre” na kung saan mas pinalakas ang kapangyarihan nito kabilang ang paglabas ng pakpak at paggamit ng nagliliyab na bolang apoy laban sa mga kalaban sa Hathoria.
Aniya, habang ginagawa nila ang eksena ay wala pa siyang malinaw na ideya kung ano ang magiging kabuuang resulta nito sa screen. Kaya nang mapanood niya ito, lalo siyang humanga sa naging epekto ng visual at storytelling execution.
“Nu’ng sinu-shoot namin siya, wala akong ideya kung ano ‘yung kalalabasan. But when I saw it on TV, ‘Wow! Ang bongga niya,’” ani Glaiza.
Dagdag pa niya, masaya siya na sa kasalukuyang season ng serye ay naipakita ang pagre-redeem ng karakter ni Pirena, lalo na sa relasyon nito bilang kapatid at ina kina Flamarra (Faith Da Silva) at Mira (Kate Valdez).
Patuloy na mapapanood ang “Encantadia Chronicles: Sang’gre” sa GMA Prime tuwing 8:00 p.m. at sa GTV tuwing 9:45 p.m.