Advertisers
NAGKAROON ng bahagyang sagutan sa pagitan nina House Justice Committee chair Gerville Luistro at Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. kaugnay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte sa pagpapatuloy ng impeachment hearing nitong Miyerkules, Abril 22.
Ipinunto ni Garbin, na isa ring abogado, na ang SALN na tinutumbok na mayroong “material misdeclaration” o “untruthful declaration,” ay hindi naka-attach sa impeachment complaints.
Sinagot ito ni Luistro na hindi pa ito ang tinatalakay ng komite, subalit iginiit ni Garbin na nang pinagbotohan ang sufficiency in substance ng mga reklamo, nakasama ang annexes o mga kalakip na dokumento.
“Tayo ang nagpoproduce ng ebidensiya e, which is not suppose to be the case,” saad ni Garbin.
Nilinaw naman ni Luistro na ang pag-isyu ng subpoena ay hindi para dagdagan, suportahan o itama kung ano ang nakalagay sa impeachment complaint, kundi para suriin kung ang reklamo ay sapat na para sa existence ng probable cause para magabayan ang panel members sa paghatol.
Ipinaliwanag naman ni Manila 3rd District Representative Joel Chua, miyembro ng Justice panel, na base sa Section 7 ng Rules of Procedure sa Impeachment Proceedings, mayroong kapangyarihan ang komite na mag-isyu ng “compulsory processes” para sa pagdalo ng mga testigo, at produksiyon ng mga dokumento at iba pang related evidence, kung saan pasok ang pagpapa-subpoena sa SALN sa ilalim ng kapangyarihan ng komite.