Advertisers
Ipinaliwanag ng Department of Justice (DOJ) sa publiko na hindi umano “technically” o literal na naaresto ng Czech Republic si dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
Matatandaang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr, mismo ang nagkumpirma sa pagkakahuli kay Co sa pamamagitan ng paglalabas niya ng pahayag sa kaniyang Facebook post noong gabi ng Huwebes, Abril 16, 2026.
Aniya, hindi pinayagang makapasok sa border ng Germany si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaya raw pinabalik at nahuli ng mga awtoridad ng Czech Republic.
Ayon naman sa mga lumabas na ulat mula sa naging pahayag ni DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez nitong Biyernes, Abril 24, 2026, hinalimbawa niya ang sitwasyon ng pagpipigil sa isang indibidwal sa airport na hindi pinayagang makapasok o makalabas sa isang bansa.
“For analogy, it’s similar to a situation in the airport where the person arrives and immigration denies entry or excludes the person,” pagsisimula niya.
Ani Martinez, hindi raw “technically” inaresto ng mga awtoridad ng Czech Republic si Co nguni’t may pangyayari daw na na-deprive ang kaniyang kalayaan.
“Technically, not arrested but there is a deprivation of liberty to a certain degree,” paglilinaw niya.
Pagpapatuloy pa niya, tanging ang kasalukuyang pana-natili pa rin ni Co sa ilalim ng hurisdiksyon ng mga awtoridad ng Czech ang pinakahu-ling ulat daw na mayroon sila.
“Latest report we have is [that] he is still within the jurisdiction of Czech authorities,” pagtatapos pa niya.
Dahil dito, tila hindi naman naiwasang kuwestiyonin ng publiko ang nauna nang naging pahayag ni PBBM tungkol sa “pagkahuli” kay Co.
Depensa ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro nito ring Biyernes, maliwanag daw ang naging ulat ng Pangulo noon sa publiko patungkol sa nangyari kay Co at hindi raw dito ng nanggaling ang salitang “naaresto” ang dating mambabatas.
“Maliwanag ang sinabi ng Pangulo at ni SOJ Vida. Walang anumang contradiction. Hindi nanggaling sa Pangulo ang salitang ‘aresto.’ Ang sabi ng Pangulo ay nasa kustodiya ng Czech Republic si Zaldy Co dahil sa kakulangan sa proper documentation. Nahuli si Zaldy Co due to immigration concerns,” paglilinaw ni Claire.
Samantala, nakatakda namang lumapag sina DOJ Acting Sec. Fredderick Vida kasama si Chief State Counsel Dennis Chan sa Czech Republic upang makipag-ugnayan si mga awtoridad ng nasabing bansa.