Advertisers
PANSAMANTALA nang nakalalaya ang dating brodkaster na si Jay Sonza nang maghain ng P10,000 piyansa kaugnay ng kinahaharap ni-yang kasong ‘unlawful means of publication’ nitong Lunes, Mayo 4.
Sa isang social media post, ibinahagi ng kanyang abogado na si Atty. Mark Tolentino ang release order ng Regional Trial Court Branch 118 matapos magpiyansa.
Inatasan ng korte ang National Bureau of Investigation (NBI) na palayain si Sonza mula sa kustodiya nang maaresto kaugnay ng kasong isinampa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kaugnay ito ng pagpapakalat ng fake news tungkol sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Sinampahan si Sonza ng reklamong ‘unlawful use of means of publication’ at ‘unlawful utterances’ sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, na inamyenda-han ng Republic Act 10951, kaugnay sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act).
Sinabi ng NBI na ang warrant na inisyu ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) Branch 118 “indicates that the offense is not bailable.”
Iginiit naman ni Tolentino na ang warrant na inisyu ng Pasay RTC ay tinukoy ang “Article 154 as amended by Republic Act No. 10591” o Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances.
Sa kabila nito, ang Republic Act No. 10591 ay Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Itinama naman ng Pasay RTC Branch 118 ang nauna nitong kautusan.
Ayon kay Atty. Tolentino, tumayo ang presiding judge sa pagsisimula ng hearing upang humingi ng dispensa sa naging error ng korte. Dahil dito, nakulong ng limang araw ang isang inosenteng tao nang walang due process.
Ipinaliwanag din ng abogado na may umiiral na kautusan ang Department of Justice na nagbabawal sa pag-aresto para sa mga bailable offense tuwing weekend, gabi ng weekend, o holiday.
Nabatid na nagkaroon ng pagkakamali sa arrest warrant kungsaan nakasaad na “non-bailable” ang kaso ni Sonza, gayong ito ay bailable.
Sa kabila ng insidente, sinabi ng kampo ni Sonza na wala silang plano magsampa ng kaso dahil hindi anila korte ang kanilang kalaban.