Advertisers
Ipinahayag ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang kanyang suporta sa panukalang naglalayong maglatag ng mas malinaw na proteksyon sa sahod ng mga manggagawang binabayaran batay sa output o “pakyawan workers” na mas mababa ang kinikita sa itinakdang minimum wage.
Kabilang si Cayetano sa mga senador na pumirma sa Senate Bill No. 82 o “Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act” na inakda ni Senator Raffy Tulfo.
Layunin ng panukala na palakasin ang pasahod at dignidad sa sektor ng paggawa sa pamamagitan ng mas mahigpit na panuntunan sa pagkalkula at pagpapatupad ng output-based wages.
“As part of honoring God and building communities through good governance, the State must promote human dignity in the labor sector and create a system where all persons are given the chance to thrive and rise,” wika ni Cayetano.
Layong tugunan ng panukala ang mga puwang sa sistema na nagiging dahilan para ang ilang manggagawa ay makatanggap ng sahod na mas mababa sa itinakdang minimum kahit buong araw na nagtrabaho.
“The hope of building a just and humane society will begin once we look beyond simply providing a minimum wage and start aiming for a living wage for all Filipinos,” sabi ni Cayetano.
Sa ilalim ng panukala, obligadong tiyakin ng mga employer na ang pakyawan workers ay makatatanggap ng sahod na hindi bababa sa umiiral na minimum wage alinsunod sa Republic Act No. 6727.
Ipinag-uutos din sa panukala ang pagsasagawa ng Time and Motion Study (TMS) bago ipatupad o baguhin ang anumang piece-rate system.
Kailangang magsumite ng aplikasyon ang mga employer, manggagawa, o unyon sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board, kung saan ang resulta ng TMS ang magiging batayan ng opisyal na Piece-Rate Orders na mag-i-standardize ng bayad batay sa output.
Nakaayon din sa Anti-Abuse of Pakyawan Workers Act ang pagsasagawa ng dalawang random inspection kada taon, at inaatasan ang presensya ng kinatawan ng mga manggagawa sa mga inspeksyon upang matugunan ang mga isyu sa monitoring ng aktuwal na kondisyon sa trabaho.
Naglalatag din ang panukala ng graduated administrative penalties laban sa mga lalabag, kabilang ang underpayment, hindi pagbabayad ng benepisyo, at hindi pagsunod sa wage orders, habang isinasaalang-alang ang due process.
Iniuugnay naman ni Cayetano ang panukala sa kanyang mas malawak na adbokasiya para sa labor reforms, kabilang ang mungkahi niyang paglikha ng isang labor commission na magpapabilis sa pagresolba ng mga hinaing ng mga manggagawa.
“It’s not enough that we raise people’s pay by a small fraction. If we want real change, give people a more reasonable standard of living. Kailangan ngayon ng matapang na solusyon at mabilis na aksyon para sa bawat manggagawang Pilipino,” wika ng senador.