Advertisers

Advertisers

Radical transparency sa upgraded “QCitizen Data”

0 7

Advertisers

Binuksan na ng Quezon City – Local Government Unit (QC-LGU) sa milyong QCitizen ang kanilang libro upang masilip ang resibo ng mga proyekto ng pamahalaan .

Ito ay sa pamamagitan ng pinahuling upgraded digital project ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng hindi matatawarang pamumuno ni Mayor Joy Belmonte.

Sa upgraded digital platform ng QC-LGU – ang “QCITIZEN DATA – Resibo ng Serbisyo”. Dito ay ipinakikita na walang itinatago ang lokal na pamahalaan at winawasik rin ang pagdududa ng ilang mamamayan.

Sa kasaysayan ng politika sa bansa, nagiging natural ang pagdududa. Kapag may nakita bagong kalsadang binubungkal, ang unang pumasok sa isip natin ay…”sino kaya ang kumita rito?” Kapag may ibinalitang bilyong badyet para sa isang programa, ang tanong agad, “sino naman kaya ang nagbulsa?”

Sa mga nangyayari ngayon – nandiyan ang makontrobersyal na flood control projects, hindi natin masisisi ang mamamayan kung saan dekada nang maikonsidera na ang operasyon ng gobyerno ay parang isang saradong kahon na tanging ang mga nasa kapangyarihan lang ang nakakakita.

Ngunit, nitong Mayo 18, 2026, binuwag ng QC LGU ang pader ng pagdududa sa paglulunsad ng QCitizen Data Dashboards, QC Open Infra Dashboard, at ng pinaastig na QC iReport app.

Ang nakatutuwa nito, hindi lang basta nag-upgrade ng teknolohiya ang administrasyon ni Mayor Joy kundi ang punto de vista ng teknolohiya ay ang radikal na transparency. Sa bagong digital approach, idineklarang bukas na bukas ang LGU sa bawat QCitizen at walang itinatago.

Katunayan, matagal nang digital ang QC, puwedeng mag-apply ng permits at magbayad ng buwis online sa eServices portal. Hindi na kailangan pang pumunta sa City Hall.

Pero sa bagong hakbang na ito, hindi lang para mapabilis ang proseso. Ito ay para sa pananagutan o “accountability” – wala nang itinatagong badyet sa pamamagitan ng QC Open Infra Dashboard.

Sa Infra dashboard, ang bawat kalsada, tulay, o pasilidad na ginagawa sa barangay mula 2019 hanggang ngayon ay may digital billboard – makikita ang eksaktong badyet, ang kontraktor, ang timeline, at ang aktwal na larawan ng pag-usad nito. Siyempre kapag bukas ang datos, pagdududahan pa ba ang proyekto? Nandiyan na ang resibo o ebidensya.

Sa QC iReport, nandiyan ang tapat na pag-usad ng sumbong. Kapag nag-upload ka ng retrato ng baradong kanal o ilegal na istruktura, may tracking system na hindi pewedeng dayain. Makikita mo kung sinong opisina ang may hawak at kung gumagalaw ba sila. Hindi na pewedeng itago ng isang tamad na kawani ang iyong reklamo sa ilalim ng kanyang mesa.

Sa latest digital project ng LGU, malamang na hahakot na naman ng parangal ang QC LGU sa loob at labas ng bansa dahil sa lakas ng loob ng pamahalaan na sabihin sa QCitizen na “heto ang mga libro namin, heto ang mga proyekto namin, busisiin ninyo.”

Alam naman natin na kapag ang gobyerno ay transparent, ang rektang makikinabang ay ang QCitizen. Ang buwis na pinaghirapan mo ay hindi napupunta sa kung kanino, kundi nakasulat at nakikita mo kung saan ipinupundar.

Sabi nga ni Mayor Joy…“kapag nakikita ng mga tao ang ginagawa ng pamahalaan at nasusubaybayan kung paano ito tumutugon, lumilikha ito ng mas matibay na damdamin ng pagtitiwala at ibinahaging responsibilidad.”

Tulad ng nauna natin nabanggit, ang online application sa QC ay hindi na bago. pero ang pagbubukas ng pintuan ng impormasyon para sa lahat ay isang napakalaking milestone. Ipinapakita lang dito ng QC LGU na ang pinakamahusay na panlaban sa korapsyon at duda ay hindi ang mga magagarang talumpati, kundi ang isang smartphone app na nagpapakita ng katotohanan o maging bukas ang libro sa mamamayan.